Kanino nga ba mapupunta ang mga ari-arian at yaman ng isang yumao kung sakaling walang iniwang last will and testament? Sino-sino nga ba ang mga compulsory heirs at paano hinahati ang mga mana ng namayapa? Alamin.
Sa segment na “Kapuso sa Batas,” sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na nakasaad sa Civil Code ang Rules on Instantiate Succession, o ang pagdetermina kung sino at paano hahatiin ang mamanahin ng mga heredero.
Dagdag pa ni Concepcion, Testamentary Succession naman ang tawag kung mayroon last will and testament ang yumao, kasulatan o bilin sa kung sino ang tatanggap ng mga ipamamana niya.
Pero kung walang last will and testament ang namayapa, ipinaliwanag ni Concepcion na depende ito sa mga maiiwang yaman ng yumao.
Gayunpaman, may mga tinatawag na compulsory heirs, na hindi maaaring matanggalan ng mana maliban na lang kung may mga “cause” na tinutukoy ng batas.
“Sino ang mga compulsory heirs na ito? Ito ang asawa kung meron man o mga anak. Sa mga anak, compulsory sila whether legitimate o illegitimate,” saad ng abogado.
“Kung mayroong mga anak, hindi na magmamana ang mga magulang ng namayapa. So, kung mayroong mga tagapagmana pababa, nakaka-cutoff ang mga pataas,” aniya pa.
Sa programa, ipinaliwanag din ni Concepcion kung paano hahatiin ang mga ari-arian ng namayapa.
Sabi niya, paghihiwalayin daw ang conjugal properties na pagmamay-ari ng mag-asawa at saka ito paghahatian ng mga compulsory heirs.
“Doon ngayon sa share ng namatay, maghahati ang asawa at mga anak. Ang asawa ay makikihati na parang isang legitimate na anak,” dagdag pa ni Concepcion.
“Kung tatlo ang anak, apat na sila. So parang pang-apat na anak ang asawa. Kung mayroon illegitimate na anak, kalahati ang mapupunta doon sa illegitimate,” aniya pa.
Samantala, ipinaliwanag din ng abogado na hindi naman kailangang bayaran ng mga heredero ang naiwang utang ng yumao mula sa sarili nilang mga bulsa.
Aniya, kukunin daw ang pangbayad sa mga utang sa kabuuang properties o pera na naiwan ng namayapa o tinatawag na “estate.”
Dagdag pa niya, hindi maaaring lumagpas ang obligasyon sa halaga ng natanggap ng tagapagmana.
“Pero hindi naman dapat maghati-hati ang mga heredero until mabayaran ang utang ng namatay. So, kung halimbawa ang naiwan na utang nang namatay ay P1 million at ang pagkakautang na naiwan ng namatay ay P1.2 million, mas malaki ang utang kaysa sa naiwang property, nararapat lamang na bayaran hanggang P1 million lang,” ani Concepcion.
So, ‘yung P200,000 na naiwang butal ay hindi na kailangang bayaran ng mga heredero. So, ibig sabihin wala nang mamanahin sa ganoong sitwasyon ang mga compulsory heirs o mga heirs,” giit pa niya. --FRJ, GMA News