Patok sa mga Pinoy ang itlog ng pugo na puwedeng kwek kwek o kahit simpleng nilaga lang. At sa mga may balak na gawing negosyo ang pag-aalaga ng pugo, alam ba ninyo na kaya raw nitong mangitlog ng 10 hanggang 20 sa isang upuan pero may limitasyon.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Susan Enriquez, sinabing ang 1,000 pugo ay kayang mangitlog ng 800 hanggang 850 na piraso sa loob lamang ng isang araw.

Kaya naman tiba-tiba sa itlog ang isang quail farm sa Pandi, Bulacan na may alagang 25,000 pugo. Isipin na lang kung gaano karaming itlog ang nakukuha sa farm na ito kung kayang mangitlog ng isang pugo ng 10 hanggang 20 sa isang upuan lang.

Hindi na rin kailangan ng mga inahing pugo ang mga barako o lalaking pugo para mangitlog. Dahil sapat na ang patuka o feeds para mabuntis sila.

"All female, wala siyang halong lalaki para wala siyang fertile egg. Hindi sila magkaka-develop ng embryo," sabi ni Denrick Alcaraz, owner ng Dr. Quail Farm.

Para sa mga nagbabalak na magtayo ng puguan, sinabi ni Alcaraz na 70 porsiyento ng inputs o pagkakagastusan ay feeds. Sasamahan din ito ng potable water at malinis na kapaligiran.

Gayunman, isang taon lang daw napakikinabangan ang mga pugo para sa  pangingitlog. Dahil habang tumatanda ang pugo pagsapit ng 10 buwan, kumakaunti na rin ang kaniyang itlog.

At kahit hindi na mapapakinabangan ang pugo sa pangingitlog, ang karne naman ng pugo ang puwedeng pagkakitaan.

Kagaya rin daw ng karne ng manok ang lasa ng karne ng pugo. Pero kahit mas maliit, mas mayaman naman daw ang pugo sa vitamin C at iron kumpara sa malalaki at regular na manok.

Pero hinay-hinay din lang sa pagkain ng itlog ng pugo. Dahil ang itlog ng pala ng pugo at ang itlog ng manok, parehas na mayroong 14 calories.--FRJ, GMA News