Madalas na napapansin at nagiging tampulan ng tukso ang mga taong may kondisyon sa mata na strabismus o pagkaduling. Bakit nga ba ito nangyayari at may paraan ba upang maipaayos ito? Alamin.

Sa programang “Pinoy MD,” ikinuwento ng isang 23-anyos na si Phoebe Baula na madalas siyang tuksuhin noon dahil sa kondisyon ng kaniyang mga mata.

“Siguro mga 23-years-old na ako nagpa-checkup kasi akala ko all this time malabo lang talaga ang mata ko kaya may lazy eye ako. Tapos ‘yun pala wala ang depth perception. Depth perception is hindi ko alam kung gaano kalapit or layo ang mga bagay. Isa siya sa mga reasons why ako nahihirapan in my daily life. Aside from mataas na nga ang grado ko,” ani Phoebe. 

Preschool pa lang, nakasalamin na si Phoebe at ang grado ng kanyang mata ay umaabot ng 300 to 500.

“Nagpa-pacheck naman po ako sa mga optical clinics, ang sinasabi lang po, 'tumaas ang grado mo, may astigmatism ka.' Puro ganun lang po ‘yung na-re-receive ko na feedback,” dagdag pa niya. 

Dahil sa kondisyon ng kaniyang mga mata, binanggit ni Phoebe na bumaba raw ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.

“Inaasar ako na saan daw ako nakatingin minsan, duling ka ba? ‘Yun talaga diretso na akong tinatanong. Kaya minsan nakaka-offend. Siyempre noong bata ako, nakakasira din ng self-esteem kasi para sa akin, nahihirapan na nga ako makakita tapos dumadagdag pa ang unnecessary comments” aniya.

Sinubukan ni Phoebe ang iba’t ibang sports gaya ng taekwondo at volleyball para maibalik ang kumpiyansa sa sarili.

“Problema ko, kapag nandun na ko sa actual competition, hindi ako makakita masyado. Sobrang lugi ako noon at I eventually stopped. Ginawa ko dati nag-chess ako, at least doon nanalo pa ako,” sambit pa niya.

Ayon kay Dr. Cherryl Torres, ng Behavioural and Clinical Optometrist ng Eye Vision Center, si Phoebe ay may strabismus.

“Mayroon siyang strabismus so that an eye turn. So turning-in ‘yung sa kaniya. Tapos may konti lang siyang lazy eye, meaning reduce ang vision niya in one eye kasi she has different prescription on both,” paliwanag ni Dr. Torres.

“So ang misalignment niya ‘yan ay puwedeng two eyes. Hindi siya nagpo-point in one direction. So ‘yung one eye puwedeng nakatingin sa isang point, then the other eye is looking somewhere else,” dagdag pa ng doktor.

Sabi pa ng doktor, apektado din daw ng strabismus ang pang-araw-araw na gawain ng mga mayroong nito.

“Kapag mayroon kang strabismus siyempre mayroon ka eye turn. Pipiliin kasi ng brain mo ‘yung isang eye mo lang kasi you are sending confusing signal sa brain. So, ang gagawin ng brain pipiliin niya kasi may nakikita siyang dalawang image at the start of a strabismus,” aniya.

“So, tendency, i-ignore ng brain mo ‘yung isang channel sa isang pathway. So kapag ini-ignore ng brain, after some time, kapag pinatagal mo without treatment, puwedeng humina ng vision niya,” paliwanag pa ng doktor.

Malabo man ang panangin malinaw raw ang pangarap ni Phoebe na gusto niyang abutin. Kaya kahit hirap sa kondisyon, nakapagtapos si Phoebe na cum laude sa kursong advertising.

“To be honest, parang second na lang na naisip ko na ang hirap. First pa rin talaga na gusto ko ang ginagawa ko. Kaya ‘yun nga sinasabi na sa akin na ang lapit na ng mukha mo. Wala kang proper posture bakit kapag nag-drawing. Pero masaya pa rin ako kapag nakapag-create ako, kasi ito na ‘yung space na nag-thrive ako,” sabi ng dalaga.

Pero paliwanag ni Dr. Torres, maagapan ang strabismus kung makikita nang mas maaga.

Inilahad din ng doktor na normal ito sa mga sanggol sa loob ng unang tatlong buwan, pero kailangan maitama na ito kapag anim na buwan na ang bata.

“Yung iba naman they would say “ah they will outgrow it”. Hindi laging ganon. Normally nga sabi ko, first few months, second or third months of the babies pwede talagang nag-wander pa ang eyes nila. Pero after some time, at least six months of age dapat natututo nang magkaroon ng alignment,” aniya.

Bukod sa pagsusuot ng salamin, sumasailalim na ngayon si Phoebe sa vision therapy. Makakatulong ito para sa kanyang eye and brain coordination.

Ang ilang pa niyang eye therapy ay binovi touch device, chiroscope at pagtuturo sa kaniya na makakita ng 3D images.

Kinakailangan gawin ito ni Phoebe ng tatlong beses sa isang linggo hanggang sa tuluyan nang maayos ang kanyang paningin. --FRJ, GMA News