Matagal at maproseso ang paggawa ng imahen ng mga santo. Kaya naman kailangan ang mahabang pasensiya at kasanayan sa pag-uukit, gaya ng mga gumagawa sa Paete, Laguna. At alam ba ninyo na hindi na dapat ibinebenta ang imahen kapag nabasbasan na?

Dahil na rin sa naging pamana ng mananakop na Kastila ang Katolisismo sa Pilipinas, nakagawian ng maraming Pilipino ang paggalang sa imahe ng mga banal o santo.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Mariz Umali, isa mga kilalang lugar na gumagawa ng mga imahen ng santo ang Paete, Laguna, na tinaguriang "Carving Capital of the Philippines."

Ayon sa manlililok na si Mario Agbada, mas maraming Katoliko ang bumibili ng religious wood carvings at nakakapag-deliver sila maging sa abroad.

Isa sa mga imahe na matagal at maprosesong gawin ang imahen ng Mahal na Birheng Maria na may taas na 13 talampakan.

Inabot ang grupo nina Agbada ng tatlong buwan sa paggawa nito, at ibinibenta nila sa halagang mahigit P500,000.

"Pinakamahirap na parte ng pag-uukit ang pagdedetalye, tsaka ang mukha, lalo kapag ang gusto 'yung may portrait, 'yung may pinaggagayahan," sabi ni Agbada.

Dapat tama ang kapal at laki ng kahoy na gagamitin. Gamit ang martilyo, pait at iba't ibang uri ng chisel, kailangan ang mahabang pasensiya at kasanayan sa pag-uukit.

Pero alam ba ninyo na hindi na dapat ibinebenta ang imahe kapag nabasbasan na?

Paliwanag ni Bro. John Joven Cajipe, Parish Pastoral Moderator sa Paete, Laguna, ang simony ang kasalanan ng pagbebenta ng mga imahe na nabasbasan na.

Dagdag ni Cajipe, naipakilala ng mga paring Espanyol sa mga Pilipino ang pananampalatayang Katoliko sa pamamagitan ng sining biswal.

"Sa ating mga Katoliko at ganu'n din sa ibang relihiyon, dapat nating maunawaan na ang mga imaheng ito ay gawang tao at hindi ito ang Diyos. Ito ay naglalapit sa atin sa Diyos at naglalapit sa atin sa kabanalan. Hindi ito ang maglalayo sa atin at hindi ito ang ating sasambahin," sabi ni Cajipe.

Tunghayan sa "Dapat Alam Mo!" ang buong proseso ng paglililok para makabuo ng imahe ng santo na kuha ang emosyon na parang tao.--FRJ, GMA News