Iniiwasan ng mga ina na manganak ng cesarean section o CS dahil mas matagal umano ang recovery at mas magastos kumpara sa natural na panganganak. Kaya ang ibang buntis, naghahanap ng paraan kung papaano kukumbinsihin ang kanilang baby sa tiyan na "suhi" na bumaliktad upang unang lumabas na una ang ulo kaysa sa paa para hindi siya ma-CS.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng ginang na si Mary Joy Manallo, ang kaniyang pag-aalala nang malaman noon na suhi o "breech" ang posisyon ng baby sa kaniyang sinapupunan.

Kaya sinunod niya ang payo ng mga nakatatanda. Gaya ng paghiga nang nakatagilid sa halip na nakatihaya kapag natutulog.

Naglalagay din siya ng maliit na radyo sa ibaba ng kaniyang tiyan at kaniyang binubuksan. Umaasa siyang susundan ng baby ang tunog na madidinig para bumaligtad at lumapit ang ulo sa kaniyang puwerta.

Pero nang walang mangyari sa naturang taktika, sinunod na niya ang payong magpahilot. Hinihimas ng manghihilot at alalay na pinipisil ng manghihilot ang tiyan ng buntis.

Tatlong beses daw itong ginawa ni Mary Jay mula sa ika-anim hanggang ika-walong buwan ng kaniyang tiyan.

Ayon sa "Pinoy MD," mayroong tatlong uri ng suhi: ang complete breech na parehong paa ni baby ang malapit sa birth canal ni mommy; ang incomplete breech na isang paa lang ni baby ang malapit sa birth canal; at ang frank breech, kapag nakataas ang parehong paa at malapit sa ulo ni baby.

Mapanganib umano kung iluluwal sa natural na paraan ang sanggol na suhi. 

Ayon sa obstetrician-gynecologist na si Dr. Berly Balita,  plano talaga ang cesarean section sa mga babae na suhi ang unang baby sa pagbubuntis. Kapag katawan ng baby ang unang lumabas, may panganib umano na baka hindi lumabas agad ang ulo ng sanggol.

"Dapat dire-diretso lang ang labas ni baby within minutes. So kapag hindi siya nailabas on time, nababawasan yung oxygen sa brain so dun magkakaroon ng problema si baby. Sa development niya, lalo na sa neuro developmental function," paliwanag niya.

Ayon kay Balita, normal naman na bumaliktad ang posisyon ng bata habang lumalaki sa loob ng tiyan bago sumapit ang kabuwanan.

Natural daw iikot ang baby dahil maghahanap ang ulo nito ng pinakamaluwag na puwesto sa loob ng tiyan na nasa baba.

Ngunit kung sadyang hindi umikot ang baby at naging suhi, kailangang na i-CS ang mommy para sa kaligtasan ng sanggol.

Alamin sa video ng "Pinoy MD" ang posibleng peligro kung bakit hindi basta-basta inirerekomenda na "paikutin" ang baby sa loob ng tiyan ni mommy. Panoorin. --FRJ, GMA News