Marami ang naantig ang damdamin at may mga nagduda rin kung talaga bang nangangailangan ng tulong o ipangsusugal lang ng isang ama ang ginawa niyang pamamalimos ng pera para umano sa gamot ng kaniyang anak.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video na kuha ng vlogger na si Mark Jay Jimenez sa San Fernando, Pampanga, nang makausap niya ang amang si Jepoy Laxamana, na namamalimos para maibili ng nebulizer at iba pang gamot ang anak niyang babae na anim na taong gulang na mayroon umanong pneumonia.
"Siyempre ang una mong iisipin parang holdaper. Napansin ko siya biglang napaupo tapos iyak nang iyak," sabi ni MJ sa "KMJS"
Nagbigay noong una si MJ ng P500 kay Jepoy, pero matapos na madinig niya ang kuwento ng ama tungkol sa anak na maysakit, dinagdagan pa niya ito ng P2000.
"Sir, tatanawin ko hong utang na loob 'to. Promise po," saad ni Jepoy.
Ini-upload ni MJ sa social media ang pag-uusap nila ni Jepoy na naging viral.
Iyon nga lang, may mga nagpahayag ng pagdududa sa kuwento ni Jepoy. May nagsabing madalas sa bilyaran si Jepoy at nagsusugal.
Kaya naman hinanap ng "KMJS" kung saan nakatira si Jepoy at tama nga ang sabi na makikita ang naturang ama sa bilyaran.
Samantala, gumawa rin ng paraan si MJ upang alamin kung ano nga ba ang tunay na kalagayan ng buhay ni Jepoy at ang pamilya nito.
Nang makita ni MJ ang kalagayan ng buhay ni Jepoy, hindi siya nanghiyang na bigyan pa ito ng tulong. Napag-alaman din kung ano ang dahilan kung bakit palaging nasa bilyaran si Jepoy.
Alamin ang kabuuang kuwento ni Jepoy sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News