Inihayag kamakailan ni Heart Evangelista na sumailalim siya sa in-vitro fertilization (IVF) treatment para sa pagkakaroon niya ng anak. Paano nga ba ang proseso ng IVF at magkano ang halaga nito?

BASAHIN: Heart Evangelista, magkaka-baby boy at baby girl sa pamamagitan ng IVF treatment
 

Sa programang "Unang Hirit" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dra. Eileen Co-Sy, infertility specialist/ob-gyne, na ang in vitro fertilization ay isang proseso na pinagsasama ang itlog ng babae at semilya ng lalaki, pero hindi sa loob ng katawan kundi sa laboratoryo.

Layon nitong makabuo ng mga embryo na maaaring ilipat sa uterus o matris kapag na-develop.

Ang ganitong klaseng treatment ay para sa mga mag-asawa o mag-partner na nahihirapang magbuntis.

"This is not an easy process to go through. Dahil ang babaeng nagpapa-IVF ay maraming ini-inject na mga gamot sa katawan. Aside from the physical stress, meron din kasama itong emotional stress as well as financial stress," sabi ni Dra. Co-Sy.


"Ang IVF is a treatment of last resort," dagdag ni Dra. Co-Sy, at sinabing isinasagawa ito sa mga babaeng barado na ang fallopian tube o mga lalaking may mababa o zero ang sperm count.

Ang IVF ay magkakahalaga ng P350,000 hanggang P450,000, at depende rin sa dosage ng medication.

Maaari ding makapagtipid ang isang sasailalim sa IVF sa pamamagitan ng minimal stimulation o natural cycle.

Sa mga susunod naman na cycle o kung may frozen embyros na, mas mura na lamang sa halagang P100,000.

Nagpaalala naman si Dra. Co-Sy na may side effects ang IVF, tulad ng bloatedness, at sakit kung saan tinuturok ang mga gamot.

Sa stimulation naman, maaaring magkaroon ng Ovarian hyperstimulation syndrome kung napasobra ang response ng pasyente sa mga medication.

Bagama't posibleng nagkakaroon ng bleeding sa pag-harvest ng itlog, madalang lang ito.

Panoorin sa video ang buong talakayan tungkol sa IVF.--FRJ, GMA News