Dahil hindi nangangailangan ng lupa at malaking espasyo, low-budget lamang at hindi gaanong matrabaho ang uri ng pagtatanim na tinatawag na "hydroponics." Paano nga ba ginagawa ang hydroponics farming na maaaring magbigay ng kita? Alamin.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Nico Waje, sinabing ilang gulay at herbs ang maaaring palaguin sa pamamagitan lamang ng tubig tulad ng letsugas at basil.
Ang 22-anyos na si Harold Zapanta, kumikita na ng P50,000 mula sa P1,000 niyang puhunan sa hydroponics ng letsugas.
Nagsimulang magtanim si Harold ng letsugas sa styrobox dalawang taon na ang nakararaan. Meron na siya ngayong 2,000 letsugas, na kaniyang inaani kada linggo.
Self-watering din ang greenhouse ni Harold kaya hindi na ito matrabaho.
"Isa din kasi tayo sa dating tumitingin na ang pagpa-farm is mababa pero ngayon ko napapatunayan na hindi pala ganun. Dahil kailangan sila ang suportahan natin, sila ang nagbibigay pagkain sa atin," ayon kay Harold.
Isinagawa naman ng agricultural engineer na si Cristina Padua ang kaniyang simple at low-cost na hydroponics farming sa kaniyang rooftop.
Umulan o umaraw, nabubuhay ang tanim ni Christina gamit lamang ang styrofoam boxes, styrobox, at recyclable cocopeat.
Ibababad ni Christina ang kaniyang mga tanim sa styrobox na may tubig at hinalong fertilizer at nutrients tulad ng iron, calcium nitrate at asin.
Strawberry, kamatis, paminta at mga talong naman ang ginagamitan ng hydroponics ng urban farmer na si Anna Beatriz Suavengco, isang exchange student sa larangan ng farming.
Nasa Amerika ngayon si Anna Beatriz sa ngalan ng agrikultura.
Ayon sa kaniya, mas mahaba ang cycle na kailangang hintayin para sa kaniyang mga tanim at medyo matrabaho. Pero sulit naman daw kapag namunga na sila.
"You can be an urban farmer even though you have a limited space at home and a limited budget," sabi ni Anna Beatriz.--FRJ, GMA News