Habang naghuhukay para sa ipapagawang bahay sa kanilang lupa sa Gandara, Samar, may aksidenteng tinamaan si Keith Lopez na tila banga na nabasag. At ilan sa mga ito, may laman na mga gintong alahas na pinaniniwalang pre-colonial ang tanda.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Keith na kasama sa nakita nila sa paghuhukay ay isang banga na kasya ang tao. Mayroon ding maliliit na banga at tila isang patalim.

At nang maghukay pa sila, may nakita pa silang maliit na banga na may lamang na mga gitong alahas. Kabilang ang limang piraso na tila pendant na may disenyo na hugis araw na kasilang laki ng piso ang sukat.

Mayroon ding tatlong piraso ng tila gintong singsing, isang holen na mala-abaloryo o bead.

Ang mga alahas, nilinis at itinabi ni Keith.

Pero hindi pala ito ang unang beses na may nakita lamang alahas sa lupain nina Keith. Ang lolo Jose niya, dati raw na may nahukay na dalawang piraso ng gintong hikaw sa lugar.

Ang tiyuhin naman ni Keith na si Luis na dating may-ari ng lupa, may nahukay naman daw noong 2015 na gintong pendant na naibenta sa halagang P280,0000.

Ang naturang pera ang ginastos daw nila sa pagpapagamot ng kaniyang kapatid na maysakit na diabetes.

Umaasa naman si Keith na mayroon ding malaking halaga ang mga alahas na kaniyang nakuha para matustusan ang kaniyang pagpapagamot.

Napag-alaman na kinabitan si Keith ng catheter matapos siyang hindi umihi ng tatlong araw.

Batay sa kaniyang pagsasaliksik sa internet, naniniwala si Keith na pre-colonial jewelry ang kaniyang nahukay.

Ang mga alahas na nahukay ni Keith, ipinasuri sa isang antique collector na si Abe Ambrocio, na kabilang sa mga kinokolekta ay mga pre colonial artifacts.

Tama kaya ang hinala ni Keith na mga sinaunang alahas ang nahukay niya? Magkano naman kaya ang halaga ng mga ito, at maaari kaya niyang ibenta ang mga ito alinsunod sa itinatakda ng batas tungkol sa mga nahuhukay na antigong mga bagay? Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA News