Hotdog, corned beef, itlog o fried chicken ang kadalasang baon ng mga mag-aaral bilang ulam sa dala nilang kanin para sa recess. Pero ang isang grade 3 pupil na babae sa Sultan Kudarat, toyo na nasa sachet ang kaya lang ng bulsa para gawing ulam sa baon niyang kanin na nakalagay sa dahon ng saging.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inihayag ng mga guro na sina Kinneth at Joseph, na napapansin nila ang batang mag-aaral na si Layca Manguda na laging nakahiwalay sa iba pang bata kapag recess.

Kung minsan, nahihiya rin si Layca na makita ng mga kapuwa niya estudyante na toyo lang ang kaniyang ulam kaya tinatakpan niya ang kaniyang kanin.

Ang toyo na kaniyang ginagawang ulam, binibili pa ni Layca sa isang tindahan na kaniyang nadadaanan papasok sa eskuwelahan sa halagang P3 ang isang sachet.

“Kinder pa lang po ako, dahon na ng saging ang baunan ko,” sabi ni Layca nakatira sa liblib na lugar ng Esperanza, Sultan Kadarat. “Hindi po ako kumakain kapag may mga tao, kapag wala akong ulam. Lumalayo nalang po ako.”

“Araw-araw, kapag wala akong ulam, ‘yan po ang ulam ko - sachet ng toyo,” patuloy ng bata na iniisip na lamang na ang paborito niyang adobong manok ang kaniyang ulam.

Si Layca ang panganay sa apat na magkakapatid. Walang hanapbuhay ang kaniyang mga magulang pero humahanap sila ng paraan para makabili ng bigas.

Bukod kay Layca, may iba pang mag-aaral sa eskuwelahan ang hikahos rin sa buhay at walang sapat na pagkain na naibabaon sa klase.

Ayon kay Dr. Akifa Guindo, may epekto sa pag-aaral ng mga bata kung hindi sapat at may tamang nutrisyon ang kanilang kinakain.

“Kapag maalat, toyo lang ang kinakain natin, ang nakukuha lang natin diyan is usually sodium talaga. Walang ibang nutrients which is yung mga kailangan natin,” paliwanag niya.

Sa kabila ng kanilang kalagayan sa buhay, nagsisikap si Lyca sa kaniyang pag-aaral. Umaabot ng dalawang oras ang kaniyang nilalakad para makarating sa paaralan.

“Araw-araw masakit ang aking paa sa paglalakad. Napapagod din po pero nagtitiis ako upang maka-tapos ng pag-aaral,” saad niya. “Gusto ko pong makatapos kaming lahat na magkakapatid.”

“Gusto kong maging maestra para makatulong sa mga kapwa ko mahirap,” patuloy niya.

Dahil sa kaniyang kuwento, may mga grupong tumulong kay Lyca. Naghanda rin ang "KMJS" team ng masustansiyang makakain para sa mga estudyante sa eskuwelahan.

Nakatanggap din si Lyca ng scholarship grant mula sa lokal na pamahalaan. May nagbigay din ng inahing baboy para maalagaan ng kaniyang mga magulang.

Samantala, inihayag ni Nurse Johan Temen mula sa Department of Education ang tungkol sa kanilang programa para sa mga katulad ni Lyca.

“‘Yung school-based feeding program, isa po ito sa programa ng Oplan Kalusugan ng DepEd at pinagpapatuloy po ‘yung pag-implement nito,” saad niya.

“Sa katunayan, hindi po talaga siya sapat kasi very limited. And alam naman nila na ‘yung feeding program sa DepEd, supplemental lang,” patuloy niya.

Si Lyca, pursigidong makapagtapos ng pag-aaral dahil gusto niyang makaahon sila sa kahirapan.

Sa mga nais tumulong, maaaring ipadala ang donasyon sa:

Landbank
Account Name: Kinneth Flores Goroy
Account Number: 5146362097

--FRJ, GMA News