Hindi na kailangang gumastos pa nang malaki ng mga Pinoy dahil ang Maldives at Venice, Italy na dinadayo ng mga turista, puwede na ring ma-feel ang vibes sa mga cafe at restaurant dito sa Pilipinas.
Sa Kuwentong Dapat Alam Mo! ni Victoria Tulad, sinabing hatid ng D' Pavilion Farm and Resort ang mala-Maldives na vibes sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Nakatayo at magkakonekta ang mga cottage ng resort sa mismong lawa, gaya ng mga iconic na cottage sa dagat sa Maldives.
Maaari ding mamasyal at mag-picture taking ang guests sa mga tulay o pathway na nagkokonekta sa mga kubo.
Alok din ng resort ang pamamangka nang libre o one to sawa.
Kung mangingisda naman, P250 ang rental fee ng fishing rod para sa dalawang oras na pamimingwit kasama ang pamilya o mga kaibigan.
Puwedeng makahuli ng tilapia, hito at dalag, na siyang mapupunta sa mga customer.
Kapag napagod sa kakalibot, may alok na best sellers ang resort na buko lumpia, gising gising at bilao group meals.
"Napakarami ng nagsasabi na 'Wow, parang Maldives.' 'Yon ay ikinatutuwa natin dahil 'yung mga taga-rito sa atin hindi nila kailangang gumastos nang malaki para ma-experience kung ano ba 'yung merong kamukha nito sa Maldives," sabi ni Paul Jampil, co owner ng naturang resort.
Tila dinala ka naman sa Venice, Italy ng Cafe Josefina sa Capas, Tarlac.
Kung sa Venice, tampok ang pagsakay ng mga magsing-irog sa gondola habang bumibiyahe sa mga canal, sa Cafe Josefina naman, puwede ang solo ride o hindi required ang may jowa.
Sa halagang P250, puwede nang sumakay ang hanggang apat na tao sa malaking bangka sa loob ng 30 minuto, ayon kay Reynaldo Catacutan, owner ng Cafe Josefina.
Puwede ring maglakad-lakad at mag-picture taking sa magagandang garden.
Buhay pa rin ang lugar dahil sa string lights kahit gabi na, at tiyak na kagigiliwan ang angel statue na gumagalaw.--FRJ, GMA News