Naiyak at nagyakap nang mahigpit sina Jericho at Rennier nang kumpirmahin sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" na identical twins sila.
Matatandaan na sa nakaraang mga episode ng "KMJS," napag-alaman na sanggol pa lang ang dalawa nang ipaampon sila ng kanilang mga magulang sa magkaibang pamilya sa Davao Oriental.
Nanatili sa Mati City si Jericho, habang napunta si Rennier sa Marilog na ilang oras ang layo sa Mati.
Nang sumapit si Jericho sa edad na 10, ipinagtapat sa kaniya ng umampon sa kaniya na mayroon siyang kakambal.
Tinulungan siya ng amain na hanapin ang kaniyang kakambal pero bigla itong binawian ng buhay.
Ngunit hindi gaya ni Jericho, lumaki si Rennier na hindi alam ang tungkol sa kaniyang nakaraan. Pero makalipas ng 14 taon mula nang ipaampon ang kambal, aksidente silang nagkita sa isang pasyalan at doon na rin nalaman ni Rennier ang tungkol sa pagkakaroon niya ng kakambal.
At para matiyak kung talagang kambal ba sila, isinailalim sila sa DNA test, pati na rin ang pinaniniwalaan na ina nila na si Janeth, na nakatira na sa Samar.
Inamin ni Janeth na mayroon siyang kambal na anak na pinangalanan niyang Daniel at Dexter, na ipinaampon nila noong sanggol pa lang dahil sa hirap ng buhay nila noon.
Bago ilahad ang resulta ng DNA test, sinabi nina Jericho at Rennier na ituturing pa rin nilang kapatid ang isa't isa kung lalabas man na hindi sila kambal.
Ngunit nang magpositibo ang resulta ng DNA test, nagyakap nang mahigpit ang magkapatid.
Pero mahanap na rin kaya ang kambal ang tunay nilang ina? Alamin sa video ang resulta ng DNA test kay Janeth, at matanggap kaya siya ng kambal kung siya nga ang tunay nilang ina? Panoorin. --FRJ, GMA News