“Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring maging Alagad ko”. (Lucas 14:27)

ANG krus ay tanda ng sakripisyo katulad mismo ng naging sakripisyo ng ating Panginoong HesuKristo. Isinakripisyo ni Hesus ang kaniyang sarili para iligtas at tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Tiniis Niya ang lahat ng hirap para sa ating kaligtasan.

Ang krus ay tanda rin ng nag-uumapaw at hindi matatawarang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa atin. Sapagkat sinasabi sa Sulat ni San Juan na, “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatuhan kaya’t ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na anak”. (Juan 3:16)

Kaya’t ang hamon sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Lucas 14:25-33) ay kung nakahanda rin ba tayong magpasan ng ating krus para sumunod kay Hesus. Nakahanda rin ba tayong talikuran ang lahat upang maging Alagad ng Panginoon?

Hindi literal na ang ibig ipakahulugan ni Kristo nang wikain Niya na, “Hindi maaaring maging Alagad ko ang sinomang umiibig sa kaniyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid maging sa sarili niyang buhay nang higit pa sa Akin”. (Lucas 12:26)

Ang nais lamang sabihin dito ng ating Panginoong Hesus ay kung nais nating pasanin ang sarili nating krus at sumunod sa Kaniya bilang mga Alagad, kailangan ay mas nangingibabaw ang pag-ibig natin sa Kaniya nang higit sa pagmamahal natin sa ating sariling pamilya.

Ang pagiging isang Alagad ni Hesus ay hindi madali na para bang naglilibang lang. Kaya nga sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo na ang maaari lamang maging Alagad Niya ay iyong nakahandang magpasan ng kaniyang krus.

Nakahanda ba tayong magtiis ng hirap alang-alang kay Hesus? Nakahanda ba tayong ibigay ang ating oras at panahon alang-alang sa paglilingkod natin sa Diyos? Nakahanda rin ba tayong iwan ang komportableng buhay para lamang tularan ang ehemplo ni Kristo?

Sa September 8, gugunitain ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, ang ina ng Panginoong Hesus. Ito rin ang araw at anibersaryo kung saan una akong nagsilbi bilang isang Lay Minister sa Santo Domingo Church, siyam na taon na ang nakakaraan (September 08, 2013).

Ang akala ko noon na kapag ikaw ay naglilingkod na sa Panginoon ay hindi ka na makakaranas ng problema at paghihirap. Mali pala. Mahaharap ka pa rin sa mga problema at mga pagsubok sa buhay. At kasabay nito ay patatagin ka ng pananalig at katapatan mo sa Panginoong Diyos.

At sa tulong ng pananampalataya, hindi pa rin ako pinababayaan ng Panginoon at ng Mahal na Birhen ng La Naval. Ginamit niyang instrumento ang aking kaibigan para makabangon sa aking mga problema.

Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na hindi madali ang pagsunod kay Hesus. Sapagkat kahit ang mga Alagad ni Hesus ay nakatanggap din ng mga pang-uusig. Kung sino pa talaga ang mas malapit at naglilingod sa Diyos ay iyon pa ang pinuputakti ng samu’t-saring problema. Pero susuko ba tayo?

Tandaan lamang natin na hinding-hindi pababayaan ng Diyos ang mga taong tapat na naglilingkod sa Kaniya. Kumapit lang tayo sa Diyos dahil ang bigat ng krus na pinapasan natin ay pagagaangin niya. AMEN.

--FRJ, GMA News