Upang matustusan ang pag-aaral at makatulong sa kaniyang inang OFW, naisipan ng isang 16-anyos na estudyante sa Laguna na maglako ng turon sa kaniyang pinapasukang paaralan.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," kinilala ang naturang estudyante na si Nico Vergara, Grade 11, sa Victoria, Laguna. Bukod sa paglalako ng turon, pumapasok din siyang construction worker.
Napag-alaman na isang OFW sa Saudi Arabia ang ina ni Nico. Upang matulungan ang ina sa mga gastusin sa kanilang bahay at sa kaniyang pag-aaralan, humanap ng pagkakakitaan si Nico.
Kinukuha ni Nico ang mga turon sa kaniyang ninang, na una niyang inilalako sa kaniyang mga kapitbahay, at pagkatapos nito, dadalhin niya ang natira sa kaniyang pagpasok sa eskuwelahan para doon naman ibenta.
"Papasok po ako sa room nila tapos tatanong ko po kung bibili po sila. Nakakahiya po nu'ng una kasi hindi ko rin po kilala 'yung mga teachers dito tsaka po 'yung mga estudyante," sabi ni Nico.
"Nakabenta po ako ng 160 pesos. Ibibigay ko po ito kay Ninang tapos bahala na po siya kung magkano ibibigay niya sa akin," dagdag niya.
Pumapasok din si Nico bilang helper sa kaniyang ama sa construction kapag wala siyang pasok sa eskuwelahan.
"'Yung bakasyon po na-ekstra po kami ng Papa ko diyan sa labas. May tatawag po sa amin na magpapagawa ng kuryente. Naghe-helper po kay Papa," kuwento niya.
"Nandun na po kasi 'yung mapapagod talaga. Pero pinipilit ko pong magtrabaho. Mahirap naman po talaga. Sinusubukan kong tumulong," sabi pa ni Nico.
Sa kabila ng kaniyang ginagawa, hindi pinapabayaan ni Nico ang pag-aaral. Kahit nasa private school, sinabi ng guro ni Nico na hindi puro may kaya sa buhay ang kanilang mga estudyante. Marami rin daw ang umaasa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang ina ni Nico na si Arlaine, anim na taon nang domestic helper sa Saudi Arabia, upang maitaguyod ang kaniyang pamilya.
"All around po ako rito. Maglilinis ng bahay. Mag-aalaga ng bata. Tapos magluluto. Akin po lahat. Gawa po sa hirap ng buhay sa Pilipinas e hindi ko po kayang tustusan lahat ng mga pangangailangan ng mga anak ko. Kailangan tiisin," paliwanag niya.
"Kailangan po talaga dito lakasan ng loob. Kasi 'pag mahina ang loob mo dito wala pong mangyayari sa 'yo. Masakit po sa loob kasi dapat 'yung kalinga ng ina dapat po sa mga anak. Kaya lang naibibigay ko sa ibang bata," dagdag ni Arlaine.
Pero kung si Nico ang tatanungin, nais niyang makasama na ang ina. Ramdam kasi nila ang pagkawala ng ina sa mga mahahalagang okasyon tulad ng kaarawan o graduation.
"Kung may pagkakataon gusto ko po sana makauwi na 'yung Mama ko na sama-sama na po kami dito," anang binatilyo.
Para matulungan si Nico at ang kaniyang pamilya, nagbigay ang provincial government ng Laguna ng scholarship sa kaniya. May private organization na nagbigay din ng cash assistance at groceries. Inalok din ng regular na trabaho ang kaniyang ama na si Nestor. Nagkaloob din ng pinansiyal na tulong ang KMJS team.
Sa pag-viral ng TikTok video ni Nico na nakitang naglalako ng turon, marami ang humanga sa kaniyang determinasyon.
"Gusto ko pong maka-inspire ng ibang kabataang tulad ko na hindi po hadlang 'yung kapos sa pera para po pumasok sa school," sabi ni Nico. —FRJ, GMA News