Hindi raw makapal noon ang hairline ni Ehra Cabilangan, at may bahagi ng kaniyang buhok ang medyo kalbo. Pero nang subukan niya ang ibinebenta niyang produkto na may kemikal na minoxidil, pati ang magkabilang gilid ng noo niya, kumapal ang buhok.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing mukha ang puhunan ng 29-anyos na si Ehra, bilang isang kontesera, modelo, entertainer, at pati sa online selling.
Isa sa ibinebenta niyang produkto ay may sangkap na minoxidil, isang kemikal na tumutulong umano sa pagpapalago ng buhok.
Para patunayan na epktibo ang produkto, sinubukan ito ni Ehra. Hanggang sa napansin na nagkabuhok na rin sa gilid ng kaniyang noo.
"Sinubukan ko seven months ago and after three weeks may nakita akong tumutubo na maliliit and pinagpatuloy ko lang siya nang pinagpatuloy. Hanggang ganito na, makapal na siya," kuwento ni Ehra.
Hindi raw talaga makapal noon ang kaniyang hairline at nakakalbo din siya dahil sa isyu ng hormones.
Pero dahil sa napansin niyang pagkapal ng buhok sa magkabilang gilid ng noo, pinili na rin ni Ehra na kumonsulta sa dermatologist.
Ayon naman kay Dra. Grace Beltran, isang dermatologist, epektibo talaga ang minoxidil sa pagpapalago ng buhok.
Gayunman, may mga pagkakataon na hindi raw pare-pareho ang resulta sa mga taong gagamit ng minoxidil.
Paalala din niya, mayroon side effect ang minoxidil lalo na ang oral o iniinom.
"Lahat talaga ng gamot may risk 'yan. Dapat alam mo kung ano talaga ang maaring expected na changes o side effect sa'yo," sabi ng duktor.
Ano-ano nga ang posibleng side effect na maaaring makuha sa minoxidil? Alamin sa video.--FRJ, GMA News