Nagsimula sa pagbebenta ng hanggang apat na kilo lang ng karne para sa pares-mami sa isang araw noon gamit ang kariton, ngayon, may puwesto na sila ng paresan sa Makati at nakakaubos ng hanggang 150 kilos ng karne sa isang araw.
Sa programang "Pera-paraan," ikinuwento ni Rodel Anisor, CEO ng Pares Point the Orginal sa Makati, na ang kanilang negosyong pares ay pamana ng kaniyang ina.
Lugaw lang umano noon ang paninda nila na inilalako gamit ang kariton. Hindi nagtagal, nilagyan na rin ng mami ang kanilang tindang lugaw.
"Yung lugaw na 'yon inilalako ng kapatid niya. Tapos yung lugaw nilagyan ng beef mami na may sabaw. Yung mga taong kumakain ng mami, gusto nila yung laman ng mami," kuwento ni Rodel.
"Kaya sa halip na mami yung nabibili, ang ginagawa binibili yung laman tapos yung sabaw. Tapos naghahanap sila ng kanin," dagdag niya.
Hindi raw biro ang pinagdaanan nila noon sa pagtitinda gamit ang kariton dahil madalas silang nababagansiya sa pagpunta nila sa iba't ibang lugar.
Ang masaklap pa, may pagkakataon daw na sinisira ang kariton kapag nahuhuli.
"Nakikita ko yung mga sinasamahan kong tindero talagang nag-iiyakan. Tapos kailangan mong buuin uli para bukas may tinda kundi bukas wala kang kakainin," sabi pa niya.
Ang mga naturang pagsubok ang naging inspirasyon ni Rodel para magsikap hanggang sa magkaroon ng lakas ng loob ng umupa ng bakanteng lote na mauupahan para magtinda ng pares.
"Kaya ginawa namin umupa na kami. Naghanap ako ng bakanteng lote," patuloy niya.
Ayon kay Rodel, nasa P800 noon ang puhunan niya sa paglalako ng pares sa kariton na may tatlo hanggang apat na kilo ng karne sa isang araw.
Ngayon sa kaniyang puwesto sa Makati, sa tinda pa lang niyang pares, nakakaubos na sila ng hanggang 150 kilo ng karne at limang sako ng bigas para kapartner nitong sinangag.
Kaya ang dating nagtutulak ng kariton, milyonaryo na ngayon.
Paano nga ba ang proseso sa pagluto at pag-serve ng pares ni Rodel? Panoorin ito sa video ng "Pera-paraan."-- FRJ, GMA News