Kahit na nakakatakot, tila nagsisilbing babala ang mga kabaong na napapanaginipan ng isang dalaga. Pero hindi lang pala siya ang nakakakita ng kabaong sa kaniyang panaginip kung hindi maging ang kaniyang ama at kapatid. Isa nga ba itong masamang pangitain?
Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabing ngayong 2022 lang nagsimula ang mga tila pangitain ng 21-anyos na si Love Jean Malapo, na senyales umano ng mga pagdurusa.
"Nagsimula po sa nakita ko 'yung lola ko nakaratay po siya sa higaang pang-ospital, nanghihina po siya. Sinabi ko po doon sa mga pinsan ko, 'Magpaalam na kayo. Ngayon niyo na lang siya makikita.' Tapos after po noon, may lumutang na kabaong," sabi ni Love Jean.
Nito namang Mayo nang sunod-sunod na magkasakit ang mga miyembro ng pamilya ni Love Jean.
"Akala ko nga po matutuluyan ang lola ko kasi hinang-hina po siya. Kung paano ko siya nakita sa panaginip ko, ganu'n din 'yung hitsura niya noong nagkasakit siya," sabi ni Love Jean.
"Naisip ko po na ang panaginip ko ay sign na may mangyayari sa kaniya," dagdag ng dalaga.
Nakita rin ni Love Jean ang kaniyang tatay na si Nolito sa panaginip na hinang-hina. Nakakita rin siya ng kabaong pero hindi niya nakita kung nasa loob ang kaniyang ama.
"Noong June 1 po, isinugod na si papa sa ospital. Kung paano ko siya nakita na nahirapan, ganoon ko rin siya nakita sa panaginip ko," kuwento pa ni Love Jean.
Bukod kay Love Jean, may mga masamang pangitain din daw ang kaniyang kapatid niyang si Ara Claire, 18-anyos.
"'Yung ate ko po namatay sa panaginip ko. Nakita ko po 'yung ate ko biglang naglaho. May picture po na lumutang at saka kabaong," sabi ni Ara Claire.
Bago rin nito, nanaginip na rin ng mga pangitain si Nolito.
"Ang mga panaginip ko 'yung tungkol doon sa mga kabaong. Ang daming kabaong na dumaan sa amin, nasa poultry sila, 'yung tatlo pumunta roon sa tapat ng pintuan namin. 'Yung tatlong kabaong na 'yon, lahat ako ang nandoon," sabi ni Nolito.
Nananaginip din si Nolito ng katatakutan tulad ng pugot na ulo, ahas at mga elemento.
Nang bisitahin ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang pamilya Malapo, ipinaliwanag niyang hindi nangangahulugang masama agad ang kanilang panaginip.
"Sa panaginip mo (Love Jean), binigyan ka ng warning. Ang tawag diyan sa uri ng panaginip mo is prophetic or precognitive dreams. Ibig sabihin, ipinapakita sa'yo sa panaginip kung ano ang posibleng mangyari in real life. Pero hindi nangangahulugan na kamatayan," sabi ni Ed.
"'Pag nakakita ka ng simbolismo ng kabaong sa pamilya mo, posibleng merong nagkakasakit," dagdag ni Ed, na sinabing posibleng "messengerial" ang panaginip ng mag-aama.
"Hindi siya masama, ibig sabihin mabuti 'yan, maganda 'yan dahil bago pa man mangyari 'yung event na hindi maganda sa buhay mo, maaaring maiwasan na," anang paranormal researcher.
Tunghayan sa Dapat Alam Mo! kung ano naman ang masasabi ng isang psychologist tungkol sa mga panaginip.-- FRJ, GMA News