Mala-Amsterdam ang vibes na hatid ng isang pasyalan na mayroong mahigit 100 uri ng makukulay na halaman at bulaklak mula pa sa ibang bansa. Alamin kung saan lalawigan ito matatagpuan.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Victoria Tulad, sinabing ang Sirao Garden Little Amsterdam ay isang hektaryang lupain na tinaniman ng makukulay na halaman at bulaklak na makikita sa Cebu City.
Ayon sa may-ari nito na si Elena Sy Chua, plano noon ng kaniyang pamilya na gawing retirement home ang kanilang lupain.
Para may pagkakitaan sa Undas, pansamantalang nagtanim ang kanilang mga caretaker ng mga halamang Celosia.
Hanggang sa may isang customer ang nag-upload sa social media ng larawan ng kanilang mga halaman, at dito nag-viral ang kanilang mga Celosia na may tatlong iba't ibang kulay pa lang noon.
Pero iyon na ang simula para puntahan ng mga tao sa kanilang lugar. Dahil na rin sa mga makukulay na bulaklak, binansagan ito ng publiko na "Little Amsterdam."
Tuluyan nang nagdesisyon sina Elena na gawin itong flower garden at buksan sa mga turista noong 2017.
Matatagpuan sa hardin ang mahigit 100 uri ng halaman at bulaklak, kung saan sa ibang bansa pa binili ni Elena ang karamihan sa mga binhi noong nagtatrabaho pa siya bilang flight attendant.
Sa gitna ng hardin matatagpuan ang isang imahen ng Santo Niño, dahil deboto si Elena at inaalay niya ang hardin para kay Santo Niño.
Tinayuan din ito ng tulay at kanal para sa Amsterdam "vibes" ang hardin, samantalang nagsisilbi ring atraksyon ang mga windmilll at sunflower.
Pinakapatok sa mga turista ang giant caring hands, kung saan maaaring magpakuha ng larawan ang mga turista. --FRJ, GMA News