Bukod sa naging bahagi na ng kaniyang buhay ang luma at sira-sira niyang barber's chair, may malalim at sentimental na dahilan kung bakit ayaw itong papalitan ng isang 80-anyos na barbero sa Cagayan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na mahigit dalawang dekada nang naggugupit si Tatay Piping sa Aparri.
Ala-sais pa lang ng umaga, lalakarin na niya ang kaniyang barber shop sa gilid ng daan na tila barung-barong na rin sa kalumaan.
Mababakas sa loob ang mga lumang gamit ni Tatay Piping, kabilang ang kaniyang silya kung saan umuupo ang mga ginugupitan niya.
Naging saksi ang silya sa kaniyang pagsisikap para maitaguyod ang kaniyang pamilya [walong anak] sa pamamagitan ng kaniyang paggupit.
Pero kahit luma na at gula-gulanit, walang balak si tatay Piping na itapon ito o palitan. Sa upuang iyon din kasi umuupo ang kaniyang asawa at mga anak tuwing ginugupitan niya ang mga ito noon.
Maraming masasayang alaala sa naturang upuan na hindi malilimutan ni Tatay Piping. Iyon din ang nagpapaalala sa kaniya sa kaniyang asawa at isang anak na pumanaw na.
“Nagsisilbing masayang alaala ng pamumuhay ko dito,” sabi ni Tatay Piping.
"Mahalaga ito sa akin dahil iyong pera na pinambili ko dito e pera namin ng asawa ko. Kaya hindi ko din ito puwedeng itapon,” patuloy niya. “Iyong pagmamahal ko sa misis ko ay parang pagmamahal ko na din sa upuan na iyan,”
Dating P50 ang singil niya sa bawat gupit. Pero dahil sa hirap ng buhay, hinahayaan na niya ang mga kostumer kung magkano na lang ang kaniyang ibayad sa kaniya.
“Imbes na 50 pesos ang singil ko, nagbabayad sila ng 30, 40, dahil wala silang pera,” ani Tatay Piping.
Masuwerte na raw kung magkaroon siya ng tatlong kostumer sa isang linggo.
“Minsan sa isang linggo, isa lang ang pumupunta kasi parehas ko rin silang walang pera,” sabi niya.
Sa naturang lugar, si Tatay Piping na lang ang natitira dahil ang ibang barbero ay pumanaw na.
“Kung wala akong gugupitan, naka-upo lang ako at nag-iisip kung saan ako kukuha ng pang-araw araw namin ng pamilya ko,” sambit pa niya.
Aminado rin siya na may problema na rin ang kaniyang paningin.
“Ang totoo niyan, hindi ko na makita. Tinatandaan ko na lang kung saang parte ko ginupitan para hindi masugat,” paliwanag ni Tatay Piping.
Sa kabila ng kaniyang edad, walang balak si tatay Piping na magretiro. Nais niyang patuloy na magtrabaho para kumita.
“Naiiyak pa ako minsan dahil wala akong kinita. Tinitingnan ko iyong apo ko, masakit ang loob ko kasi wala akong maibigay sa kanya, kahit pambili ng biscuit,” emosyonal niyang pahayag.
Minsan na rin nag-viral ang kuwento ni Tatay Piping nang makita siya ng vlogger na si Kulas ng “Becoming Filipino,” at nagpagupit sa kaniya.
Bukod kay Kulas, binisita rin ng isa pang vlogger na si Von si Tatay Piping para magpagupit at maibahagi ang kaniyang istorya.
Nagpapasalamat si Tatay Piping dahil may mga tao na mula pa malalayong lugar ang sinasadya na siya para magpagupit.
“Kung may tutulong man sa akin na ipaayos itong shop ko... itong upuan ay maiiwan pa rin sa akin,” ayon kay Tatay Piping. “Itong upuan ay para ko nang anak!”
Sinamahan ng "KMJS" team si Tatay Piping para maipasuri ang kaniyang mga mata sa ophthalmologist at maipa-checkup na rin ang kalusugan.
Kasabay nito, may inihanda sa kaniyang sorpresa ang Local Government Unit (LGU) para ayusin ang kaniyang barbershop. May nagregalo rin sa kaniya ng bagong barber’s chair.
Tunghayan sa video ang magiging reaksyon ni Tatay Piping sa inihanda sa kaniyang sopresa. At ano na mangyayari sa pinakamamahal niya luma at sira-sirang barbers' chair? Panoorin. --FRJ, GMA News