Hindi itinago at hindi ikinahiya ni Alimodian, Iloilo Vice Mayor Geefre "Calay" Alonsabe, na miyembro siya ng LGBTQIA+ community nang pumasok siya sa pulitika. At sa muli niyang pagkakahalal bilang lingkod-bayan, hindi lang ang career niya ang masaya kundi maging ang kaniyang love life.

Kamakailan lang, naging usap-usapan ang 57-anyos na bise alkalde matapos siyang mag-post sa social media ng mga larawan nila ng kaniyang 31-anyos na nobyo sa pagdiriwang ng kanilang monthsary.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang ilan sa mga sweet na larawan nina vice mayor Calay, at nobyo niyang si Jaz Dionisio.

Napag-alaman na 34 na taon nang nanunungkulan bilang lingkod-bayan sa Alimodian si VM Calay. Naging mayor na rin siya ng kanilang bayan ng siyam na taon.

Isa rin si Vice Mayor Calay sa mga nagsusulong ng mga karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Bukas at tanggap din ng kaniyang mga kababayan ang kaniyang pagiging isang beki na hindi naman daw nakakaapekto sa kaniyang trabaho.

Pag-amin ni VM Calay, marami na rin naman siyang nakarelasyon, at kagagaling lang niya sa breakup nitong Mayo. Hanggang sa pumunta siya sa isang bar sa Iloilo para malibang at doon niya nakilala si Jaz.

"Natuwa ako sa kaniya. Mabait na tao, simple lang. Nabighani ako sa kaniya," sabi ni Jaz tungkol kay Vice Mayor Calay. "Sabi ko sa kaniya, gusto kita kung sino ka."

Kaya naman napapawi ang pagod ng isang oras na biyahe ni Jaz mula Iloilo City hanggang Alimodian kapag nakita na niya si Vice Mayor Calay. Hindi naman maiwasan kung minsan na mag-init ang ulo ng bise alkalde, kaya si Jaz na lang ang nag-a-adjust.

Hindi raw alam ni Jaz noong una na vice mayor pala si Calay nang nililigawan pa niya ito.

"Nagulat din. Sabi ko 'Siyempre hindi ka ordinaryong tao. Bakit ka pumatol sa akin?'" tanong daw ni Jaz kay Calay.

"Wala sa posisyon kundi 'yung laman ng puso. I love him so much," paliwanag ni VM Calay.

Mas kinilig pa ang bise alkalde nang hindi nag-atubiling pumunta sa kaniyang oath taking si Jaz noong Hunyo 25 para suportahan siya. At noong Hunyo 30, naging opisyal nang magkarelasyon ang dalawa.

Pero hindi nakaiwas sina Vice Mayor Calay at Jaz sa mga taong pumuno at hindi pabor sa kanilang relasyon.

"Offended ako. Kasi 'yung iba judgemental. Sabi ko 'Daddy (Jaz) ganoon talaga. Kailangan maging matatag lang tayo sa isa't isa. 'Yung connotation ng tao na kapag may karelasyon ang LGBTQIA gaya namin na isang lalaki, peperahan 'yan, gagamitin 'yan. Hindi naman siguro lahat ng tao," pagdepensa ni Vice Mayor Calay.

"Masama bang maging masaya sa taong kasama mo ngayon? Hindi pera ang kaligayahan ng tao para sa akin," sabi naman ni Jaz.

"Ibang iba siya sa lahat. And I am very, very proud of my partner kasi he is not a gold digger," anang bise alkalde.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang love story nina Vice Mayor Calay at Jaz na mapapa-sana all ang mga makakapanood. --FRJ, GMA News