Tinedyer pa lang, napansin na raw ng isang 22-anyos na babae na hindi kapantay ng kulay ng kaniyang balat ang kulay ng kaniyang singit na makulimlim. Bakit na ba maitim ang bahaging ito ng katawan gayung hindi naman naaarawan?

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng babaeng itinago sa pangalang "Princess," mula sa Zamboanga, na dahil sa maitim niyang singit, hindi siya makapagsuot ng bathing suit at yung mga napakaigsing shorts.

Ang isa sa mga pinaniniwalaan niyang dahilan ng pag-itim ng kaniyang singit ang pagsusuot niya noon ng mga masisikip na pantalon.

Ayon sa dermatologist na si Dra. Jean Marquez, may posibilidad na tama ang hinala ni Princess dahil nakakaitim kung madalas na kumikiskis ang tela sa naturang bahagi ng balat.

Bukod sa friction o pagkiskis sa balat, isa rin sa mga posibleng dahilan ng pag-itim ng singit ay ang obesity o sobrang katabaan, at ang hormonal imbalance.

Ito rin ay umano ang dahilan kung bakit may mga taong maitim ang batok, siko, at kilikili.

Upang pumuti ang singit, sinubukan ni Princess ang groin whitening treatment na alok ng isang aesthetic clinic sa kanilang lugar.

Alamin ang proseso ng naturang groin whitening treatment at gaano nga ba ito kaepektibo. Tunghayan din sa video kung totoo ba o paasa lang na puputi ang maitim na bahagi ng balat kung gagamit ng lemon, whitening soap, at pati raw regla? Panoorin ang video. --FRJ, GMA News