Para kay Joylyn Cachin na sumalang na sa iba't ibang uri ng cosmetic surgery, mas madali raw ang buhay kapag maganda. At iyon daw ang katotohanan.
Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang larawan noon ni Joylyn, na 40-anyos na ngayon. Aniya, naranasan niya noon ang husgahan at ma-reject.
Kuwento niya, ilang beses na siyang tinanggihan sa trabaho na kaniyang inaplayan. Naniniwala siya na may kinalaman ang hitsura niya kaya hindi siya natanggap.
"Yung mga kasama kong nag-apply natanggap sila. Eh ako, hindi ako maganda so alam mo kung ano ang ibig sabihin nun," saad niya. "Madali kasi ang buhay kapag maganda ka, reality 'yon."
Kaya naman nagsikap at nag-ipon si Joylyn para iparetoke at gumanda ang kaniyang hitsura.
Nangyari ang unang cosmetic procedure ni Joylyn noong 2016 at ang ilong na pango ang kaniyang unang ipinaayos.
Matapos daw siyang magparetoke ng ilong, napapansin na raw kaagad siya ng ibang tao.
Pagkaraan nito, taon-taon ay may ipinapaayos na si Joylyn sa kaniyang katawan. Katulad pagpapalagay ng dimple, nagpa-botox, nagpaalis ng kaniyang double chin, nagpadagdag ng dibdib at nagbawas ng tiyan at braso, at nagpaayos muli ng ilong.
"Nakakaadik ang pagpaparetoke. Real talk 'yan," saad niya. "Gaya niyan, na-appreciate ko ang ilong ko ang ganda, humananap na naman ako kung ano yung mali sa katawan ko. Doon ko naramdaman na ang ganda palang maging maganda. Ang sarap ng pakiramdam," sabi ni Joylyn.
Sa dami ng kaniyang naipagawa sa katawan, sinabi ni Joylyn na umabot na raw sa P1.3 milyon ang kaniyang nagastos.
Hindi raw siya nagsisisi sa kaniyang ginawa dahil para naman daw iyon sa ikagaganda ng kaniyang buhay.
Pero may payo ang mga eksperto sa mga nagpaplanong sumalang sa cosmetic surgey o magpaparetoke. Alamin iyan sa video na ito ng "Pinoy MD." Panoorin. --FRJ, GMA News