Nitong nakaraang Abril nang unang maispatan ang mailap na ‘Philippine warty pig’ o baboy ramo sa Mt. Apo. Pero tila kailangan nito ng tulong.
Sa programang "Born To Be Wild," sinabing isang local guide ang unang nakakita sa baboy ramo na itinuturing endangered species o nanganganib nang maubos ang populasyon.
Itinuturing na pambihirang pagkakataon na makunan ng larawan at video ang naturang hayop dahil kilala itong mailap.
Madidinig sa video ang bilin sa mga tao na huwag lalapit sa baboy ramo.
Pagbalik ng grupo sa lugar nitong Mayo, muling nakita ang baboy ramo.
Kapansin-pansin na may problema sa binti ang hayop kaya hirap siyang maglakad at kumain.
Sa ngayon, pinaplano na ng Department of Environment and Natural Resources at iba't ibang grupo kung papaano mare-rescue ang naturang baboy ramo.
Dahil endangered na o malapit nang maubos ang populasyon ng Philippine warty pig, mahalaga na mailigtas ang bawat isa sa kanila.--FRJ, GMA News