Dusa at nakaramdam ng lungkot ang isang dalaga nang mauwi sa disgrasya ang pagpaparetoke niya ng ilong. Sa halip kasi na gumanda ang ilong, namaga at tinubuan ito ng bukol na may nana.
Isa sa mga ginagawang "nose job" para sa mga nais magpaganda ng ilong ay ang tinatawag na "rhinoplasty."
Isa sa mga sumailalim rito si Sharie Waynne Cambronero, na aminadong insucure siya sa kaniyang flat na ilong.
Kaya noon pa man, pinangarap na niyang magparetoke at handa niyang pag-ipunan ang magagastos sa naturang proseso na aabot sa P200,000.
At nang makaipon, isinagawa na ni Sharie ang pagpaparetoke. Tumagal ng tatlo hanggang anim na buwan ang ginawang pagtitiis-ganda niya.
Isa raw sa naging challenge habang pinapagaling ang kaniyang ilong ay ang pagtulog nang nakatihaya dahil bawal ang matulog nang nakatagilid.
Pero nang tanggalin na ang plaster sa kaniyang ilong, happy si Sharie resulta ng kaniyang nose job.
Tumaas daw ang confidence niya sa sarili at hindi na niya problema ang pag-anggulo kapag nagpapa-picture.
Ngunit kung happy si Sharie sa resulta ng ipinaretoke niyang ilong, luhaan naman si Jianinah dahil nagkaroon ng bukol ang kanilang ilong limang araw matapos ang operasyon.
"Yung unang naramdaman ko palagi akong sinisipon akala ko normal lang siya. Hindi ko siya pinapansin," kuwento ng dalaga.
"Pero yung bukol hindi na siya nagda-dry. Pangatlo ang naramdaman ko noon yung maga," patuloy niya.
Nagkaroon din daw ng pagdurugo at may lumalabas na tila likidong tubig sa bukol, at mainit.
Bagaman nakaramdam ng lungkot, sinabi ni Jianinah na wala siyang pinagsisihan sa kaniyang ginawa dahil siya ang may kagustuhan nito.
Ano nga ba ang nangyari sa ilong ni Jianinah at nagkaroon ng aberya sa kaniyang operasyon? May pag-asa pa kayang maremedyohan ang kaniyang sitwasyon?
Panoorin ang buong pagtalakay sa video na ito ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA News