Naitala ang mga kaso ng monkeypox sa iba’t ibang mga bansa tulad ng Portugal, Spain, United Kingdom, at ngayon maging sa United States. Paano nga ba kumakalat ang monkeypox at ano-ano ang mga sintomas nito?
Sa video ng GMA News Feed, sinabing batay sa abiso ng Centers for Disease Control and Prevention o CDC ng Amerika, naipapasa ang monkeypox virus kapag ang isang tao ay nagkaroon ng contact sa virus mula sa hayop, kapuwa tao, o maging sa kontaminadong bagay.
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at likod, namamagang kulane, panginginig, at pagkapagod.
Sa loob ng isa hanggang tatlong araw (o mahaba pa) matapos na lagnatin, nagkakaroon ng mga rashes ang pasyente.
Karaniwang nagsisimula ang rashes sa mukha at kakalat ito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa CDC, ang incubation period ng monkeypox ay madalas na umaabot ng pito hanggang 14 na araw, o lima hanggang 21 araw.
Tumatagal umano ang naturang sakit sa loob ng dalawang hanggang apat na linggo.
Batay sa pag-aaral ng CDC, isa hanggang 10 katao sa Africa ang namatay dahil sa monkeypox.
Sinabi naman ng Department of Health na wala pang naitatalang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Masusi raw na sinusubaybayan ng kagawan ang sitwasyon sa mga bansang mayroon nito.--FRJ, GMA News