Matinding hirap ang nararanasan ng isang ama matapos mamaga at lumuwa ang dalawa niyang mata sa Cotabato City. Apektado rin ng kaniyang kondisyon ang kaniyang paningin.
Sa ulat ni JP Soriano sa "Dapat Alam Mo!" sinabing maraming netizens ang naantig ang damdamin nang mapanood sa Tiktok video ni Charey na makikita ang kalagayan ng kaniyang 50-anyos na ama na si Magno Andaguer.
Nag-umpisang makaramdam ang magsasakang si Mang Magno ng mga sintomas ng kaniyang sakit noong 2017. Ngunit hindi naipakokonsulta ang kaniyang mga mata.
Sinabi ni Charey na ilan sa mga iniinda ng kaniyang ama ang pagluluha, pangangati at pamumula ng mga mata.
"May po nagsimula. Ang feeling niya ay nagbu-blur 'yung paningin niya, tapos nagluha-luha na siya. Unti-unti na ring nag-iiba 'yung paningin at saka 'yung mata, nag-iiba na. Nakapagsasalita naman siya, nakakapaggalaw," ani Charey.
Kasalukuyang nasa Maynila si Charey sa pagbabakasakaling makahanap ng trabaho sa Qatar bilang domestic helper. Tanging siya lang kasi ngayon inaasahan ng kanilang pamilya.
Bukod dito, hiwalay na rin sa asawa si Mang Magno kaya naiwan sa kaniya ang nakababatang kapatid ni Charey na sina Cha, 11-anyos at Glaiza, 9-anyos, pati na rin ang anak ni Charey, na limang-taong-gulang.
Walang ibang inaasahan ang pamilya ni Mang Magno kundi ang mga natatanggap na bigas at kanin mula sa mga kapitbahay at kamag-anak.
Dahil sa kondisyon ni Mang Magno, nasakripisyo na rin ang pag-aaral ng mga bata.
"Simula nang magkaganu'n, 'yung mga kapatid ko hindi na rin nakapag-aral. Kaya sabi ko magtiis muna sila na malayo ako sa kanila. Kasi sa totoo lang ako lang kasi 'yung inaasahan nila pati 'yung mga kapatid ko. Kasi 'yung iba kong kapatid nakapag-asawa na, hindi na sila pumupunta sa bahay," ani Charey.
Para matiyak ang kondisyon ni Mang Magno, ipinakonsulta siya sa clinical optometrist na si Dr. Zackia Glang sa pamamagitan ng online checkup.
Sa tulong ni Dr. Glang, maihahabilin si Mang Magno sa isang eye specialist na malapit sa kanilang lugar.
Maliban dito, bibigyan din ng doktora ng mga gamot at bandage na pantakip sa mga mata para hindi na lumubha ang kondisyon ni Mang Magno.
Pero ayon kay Dr. Glang, hindi pa maaaring ma-diagnose kung ano ang sakit ni Mang Magno, at mainam na maipasuri muna ang kaniyang thyroid function para malaman kung dulot ito ng hyperthyroidism.
Dapat ding maipa-CT scan si Mang Magno para makita kung may tumubo ba sa loob ng kaniyang mata kaya nakaluwa ito.
"Naaawa ako sa tatay ko kasi kahit ganoon siya, nagpakatatag kasi iniwan pa siya ng nanay namin. Sana hindi pa siya mawalan ng pag-asa, sana gumaling pa siya," sabi ni Charey.
Sa mga nais magpahatid ng tulong, maaaring magpadala kay:
Shane Love Taupan Arnibal
Gcash: 0967-3173982
—FRJ, GMA News