May bisa ba ang kasulatan bilang katibayan sa lupang binili kung sulat-kamay lang ang transaksyon at hindi naka-notaryo?
Ito ang tanong ng isang babae sa "Sumbungan ng Bayan" kaugnay sa usapin ng pagbili ng lupa na walang kasamang titulo at sulat-kamay lang ang kasunduan.
Ayon sa abogado ng IDEALS, Inc. na si Atty. Jonina Aquino, hindi puwede na sulat-kamay lang ang transaksyon sa bentahan ng lupa.
"Kapag nagbebenta ng lupa o kahit anong paglipat ng karapatan o interes sa isang lupa, kailangan nasa tinatawag itong public document o document na notaryado," paliwanag niya.
Ayon pa kay Aquino, hindi kasi tatanggapin sa sangay ng gobyerno ang sulat-kamay na kasunduan kung sakaling ililipat na ang titulo sa pangalan ng nakabili ng lupa.
"Kaya hindi puwede na basta hand-written lang na, 'ito yung lupa binabayaran kita ng ganito.' Hindi 'yon tatanggapin lalo kapag ililipat mo na yung titulo ng lupa sa pangalan mo. Hindi siya tatanggapin ng Registry of Deeds na may hawak ng titulo," paliwanag ng abogado.
Sinabi naman sa programa na dapat may titulong kasama kapag nagbebentahan ng lupa.
Estafa naman ang maaaring ikaso kung nagbenta ng lupa ang isang tao na walang kasamang titulo. --FRJ, GMA News