Ngayong Semana Santa, isa sa mga maaaring puntahan ng mga mananampalataya ang Padre Pio Mountain of Healing sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Makikita sa Padre Pio Mountain of Healing sa kabundukan ng SJDM ang 50 talampakang estatwa ng kauna-unahang pari ng Simbahang Katolika na nagka-stigmata, o mga sugat na katulad kay Hesus.
Bukod sa mga mananampalataya na may kahilingan o ipinapanalangin sa paggaling, ang iba ay nagtutungo umano sa Padre Pio Mountain of Healing, para magpasalamat, at ang mga may kahilingan na nais magkaroon ng anak, ayon kay Rodel Rodriguez, admin in charge sa lugar.
Maliban sa magandang tanawin sa lugar, makikita rin dito tuwing ika-23 ng bawat buwan ang 3rd class relic na cloves na ipinunas sa puso ni Padre Pio nang dalhin ito sa Pilipinas.
Nagkakaroon din ng healing mass sa naturang petsa.
Kapansin-pansin din ang napakaraming rosaryo na nakasabit sa labas, na ayon kay Rodel ay iniiwan ng mga nagpupunta na may kahilingan kay Padre Pio, at maging ng mga taong natupad na ang kanilang idinalangin.
May lugar din sa Padre Pio Mountain of Healing para sa candle offering. --FRJ, GMA News