Maraming kalalakihan ang problemado sa pagkalugas ng kanilang buhok. Bukod pa diyan ang mga may kondisyon na alopecia. Kaya ang iba, gumagawa ng paraan para magkabuhok muli gaya ng hair transplant.

Kabilang sa mga nagkaroon ng problema sa maagang pagnipis ng buhok at pagkapanot ang 31-anyos na si Jaye Santos.

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Santos na 2017 nang mapansin niya at ng mga kaibigan niya na numinipis ang buhok niya at parang nagkaroon ng poknat sa bunbunan.

Naging conscious daw si Santos sa sarili magmula noon at unti-unti na ring nalalagas ang kaniyang self-confidence.

Hindi malaman ni Santos kung bakit maaga siyang nakakalbo. Hinala niya, baka nasa lahi nila dahil may mga kamag-anak din siyang maagang nakakalbo.

Inisip din ni Santos na baka naapektuhan ng kemikal na dulot ng madalas niyang pagkukulay ng buhok noon ang maagang pagnipis ng kaniyang buhok.

Pero paliwanag ni Dra. Charmagne Bato-Salinas, hair transplant surgeon, walang kinalaman ang madalas na pagsusuot ng sumbrero o madalas na pagkukulay ng buhok sa maagang pagkakalbo.

Ngunit malaki ang epekto ng genetic o pagkamana ng maagang pagnipis ng buhok.

Sa kaso ni Santos, napag-alaman na mayroon siyang androgenetic alopecia, na dahilan ng unti-unting pagnipis ng kaniyang buhok.

Ang naturang kondisyon ay maaari umanong mamana.

Ngunit may paraan pa naman para masolusyonan ang kaniyang problema sa pamamagitan ng hair transplant na kung tawagin ay follicular unit excision o FUE.

Iyon nga lang, kapalit ng pagtubong muli ng buhok ay ang pagkalugas naman ng kaniyang ipong pera. Sinasabing aabot sa P100,000 hanggang P500,000 umano ang proseso ng FUE depende sa sitwasyon ng buhok.

Papaano nga ba ginagawa ang FUE, at epektibo ba talaga ito tulad ng ginawa kay Santos? Panoorin ang buong ulat sa video.

--FRJ, GMA News