Kakaiba ang mga obra ng isang 21-anyos na artist mula sa Davao de Oro na ginawang canvass ang mga resibo para sa kaniyang mga makukulay na drawing gamit ang ballpoint pen. Ang binata, nakapagpundar na ng tindahan para sa kaniyang ina dahil sa kaniyang artworks.
Sa video ng "Dapat Alam Mo!" makikita ang pagguhit ng ballpoint pen artist na si James Abayon Lolo sa mga patapong resibo, na nakatutulong din sa kalikasan.
"Madami pong resibo rito sa bahay na bigla na lang pumasok sa isip ko na what if 'yung gagamitin kong materials para mag-drawing gamit lang po ang ballpen,'" sabi ni James.
Naibebenta ngayon ni James ang kaniyang resibo art sa halagang P2,000 hanggang P5,000.
Taong 2021 nang mag-trend ang ballpoint pen art na Last Supper ni James na ginuhit din niya sa resibo.
Inaabot si James ng dalawang linggo kada obra bago matapos, depende kung gaano kakumplikado ang ginuguhit.
"Binabase ko po talaga 'yung prices ko po sa size ng dino-drawing-an ko po at sa complexity ng subjects na request o order ng aking client," sabi ni James.
Dahil sa maraming tao ang nangongolekta ng likhang sining na nagpapagawa kay James ng mga imahe, umiikot ang kaniyang resibo art hindi na lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa USA at Europa.
Kasalukuyang pinagsasabay ni James ang pagpipinta at pag-aaral sa kolehiyo.
Sinabi ni James na ang mga patapong resibo ang bumubuhay sa pamilya niya ngayon matapos mawalan ng trabaho ang ama nang magkapandemya.
Nakapagpundar na rin siya ng tindahan para sa kaniyang ina at nakatulong siya sa gastusin sa bahay at sa pag-aaral ng kapatid sa tulong ng kaniyang resibo art.
"Malaki po ang pasasalamat ko na nagkaroon ako ng anak na may talent. Ginawan po niya ako ng tindahan para may pagkaabalahan ako," sabi ni Beverly Lolo, ina ni James. – Jamil Santos/RC, GMA News