Sa isang compound sa Caloocan, 18 magkakamag-anak ang nagkahawahan at nagkaroon ng kati-kati sa katawan na natuklasang "scabies" o galis-aso. Papaano nga ba ito nakukuha at papaano gagamutin?
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Lola Jerry Victoriano, na unang nakaroon ng kati-kati sa balat ang kaniyang isang apo na apat na taong gulang.
Inakala lang nilang simpleng kagat ng langgam ang dahilan ng pangangati sa kamay ng kaniyang apo kaya hindi nila masyadong pinansin.
Pero paglipas ng ilang araw, lalong dumami ang kati-kati sa balat ng kaniyang apo at nagkaroon na rin sa iba pang parte ng katawan.
Ang paglipas pa ng ilang araw, maging ang mga kapatid nito ay nagkaroon na rin ng kati-kati. Hanggang sa tuluyan na silang magkahawa-hawa at ngayon ay umaabot na sa 18 magkakaanak ang apektado.
Ayon pa kay Lolo Jerry, mas matindi ang kati na kanilang nararamdaman sa gabi.
Halos buong katawan na mula ulo hanggang paa ang apekto ng tila pantal-pantal na makati. Ang iba, nagsugat na at nagkakaroon na rin ng nana.
Sinuri ng resident dermatologist na si Dra. Jean Marquez ang kondisyon sa balat ng pamilya ni Lolo Jerry, at lumilitaw na posibleng galis-aso o scabies ang tumama sa kanila.
Sadya raw na mas matindi ang pangangati nito sa gabi dahil iyon ang oras na mas aktibo ang scabies mite o niknik.
Ngunit kahit na tinatawag ang naturang kondisyon sa balat na galis-aso, sinasabing hindi naman ito makukuha sa aso.
Saan nga ba nanggagaling ang scabies at papaano ito gagamutin o maiiwasan? Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Pinoy MD."
--FRJ, GMA News