Mas "safe" ba ang babae na hindi mabubuntis o mas mataas ang tiyansa na siya ay mabuntis kapag nakipagtalik nang mayroong "period" o buwanang dalaw? Alamin ang paliwanag ng espesyalista.
Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng "Tiktok health educator" at general practitioner na si Dr. Krizzle Luna, na kung regular ang period ng isang babae at hindi ito masyadong maikli, mababa ang tiyansa na siya ay mabuntis.
Pero kung iregular ang period at maikli lang ang itinagal ng pagreregla, may tiyansa na mabuntis ang babae. Ito ay dahil na rin sa ang sperm ng lalaki ay maaaring mabuhay nang tatlo hanggang limang araw matapos na mailabas.
Sa madaling salita, nakadepende pa rin umano ang pagbubuntis ng isang babae sa kaniyang menstrual cycle, kung saan malalaman kung kailan siya "fertile" at mataas ang tiyansa na makabuo ng baby.
Paliwanag pa ni Luna, ang babaeng mayroong sexually transmitted disease (STD) ay mas mataas ang tiyansa na makapanghawa ng sakit kung makikipatalik siya nang may regla.
Maaari daw kasing mailipat ng babae ang virus sa kaniyang partner sa pamamagitan ng menstrual blood.
Dagdag ni Dr. Luna, maliban sa STD, nakukuha rin sa pamamagitan ng blood contact ang iba pang sakit tulad ng human immunodeficiency virus (HIV) at hepatitis B.
Ipinayo rin ni Dr. Luna, na dahil "makalat" ang makikipagtalik nang may period, maaaring gawin itong sa shower room, o maghanda ng mga cloth para sa stain.
Samantala, ilan naman sa mga benepisyo ng pakikipagtalik tuwing may menstrual period ang pagsisilbi ng dugo bilang natural lubrication.
Bukod dito, nakatutulong din ito para maibsan ang menstrual cramps.
--FRJ, GMA News