Ngayong Bagong Taon, maraming Pinoy ang sumusubok sa negosyo para madagdagan ang kanilang kita. Anu-ano nga ba ang mga negosyo ang patok sa 2022?
Sa programang Unang Hirit nitong Huwebes, ikinuwento ni Elvin Frias, kung paano nabuo ang konsepto ng kaniyang negosyo na burger-pizza.
"Nag-start po 'yan sa idea na bilog na pagkain. Ang mabebenta po kasi before sa amin is mga donut, mga pizza. Gumawa kami ng unique na why not pagsamahin namin 'yung pizza tsaka burger, total parehas naman silang bilog?" sabi ni Frias.
"2 in 1 na siya, pizza na, burger pa!" dagdag ni Frias.
Naglalaro sa P350 hanggang P380 ang presyo ng kanilang pizza-burger, na may flavors na Supreme, All-Meat, Hawaiian, Cheese, Garlic Cheese at Pepperoni.
Mula sa puhunang P20,000, kumikita na ngayon ang negosyo ni Frias ng five hanggang six digits kada buwan.
Ang entrepreneur naman na si Wilma Rolyo, kasama ang kaniyang mga anak sa pagpapatakbo ng kanilang personalized lanyard business.
Sa puhunang P2,500, nakagagawa sila ng 40 hanggang 50 piraso ng mga lanyard sa isang araw.
Naglalaro ang presyo ng mga lanyard sa P35 hanggang P40 para sa mga bata, at P45 hanggang P60 sa mga matatanda.
Sa ngayon, kumikita na sila ng P600 hanggang P700 kada araw.
Grace Enriquez naman, ginamit ang talento sa arts sa kaniyang mga 3D paper illustration.
"Itong 3D paper art, nagsimula lang ako noong unang lockdown, 2020. Gumagawa lang ako ng kung anu-ano tapos I posted on social media. Then people started ordering," sabi ni Enriquez.
"Someone asked me 'Kaya mo bang gayahin 'yung mga aso nila?' Medyo mahirap, but I took the challenge," dagdag ni Enriquez.
May halagang P1,200 ang isang 6x6 inches na 3D art ng isang ulo ng aso.
"Hindi lang siya cut and paste lang. Sometimes I cut, paste, and then tini-trim ko pa 'yan, ini-sculpt ko pa 'yan. Hindi 'yun kaya ng machine. I prefer making this by hand because it's very therapeutic, it helps you manage stress," ayon pa kay Enriquez. —FRJ, GMA News