Ang katotohanan na hinahanap natin ay tunay na matatagpuan lamang natin kay Hesus (Lucas 4:14-22)

"Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasa-akin. Sapagkat hinirang Niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo Niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi". (Lucas 4:18 / Magandang Balita Biblia)

Si Hesus ang tagapagdala ng Mabuting Balita para sa lahat ng mga tao. Siya ang isinugo ng ating Diyos Ama upang palayain at tubusin sa kasalanan ang lahat ng mga makasalanan o mga taong nasa madilim na yugto ng kanilang buhay.

Isinasaad ng Talata na halaw sa Ebanghelyo (Lucas 4:14-22) na katotohanan ang hatid ng Panginoong HesuKristo sa pagpunta niya sa lugar na Kaniyang kinalakihan. Ang bayan ng Nazaret. (Lk. 4:16)

Upang ipangaral sa Kaniyang mga kababayan ang Magandang Balita mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagpasok ni Hesus sa Sinagoga sa araw ng pamamahinga o Sabbath, na katulad ng Kaniyang nakaugalian.

Kasabay ng mga papuri dahil sa Kaniyang mahusay na pananalita, may ilang Judio ang hindi pa rin matanggap si Kristo. Sapagkat ang inaasahan nila ay isang maimpluwensiya at makapangyarihang pinuno na ipapadala ng Diyos bilang kanilang tagapagligtas.

Kaya hindi matanggap ng mga sariling kababayan ni Hesus na ang anak ng isang karpintero ang ipapadalang sugo ng Diyos. Kaya't kinukuwestiyon nila ang Kaniyang pagkatao.

"Umuwi Siya sa Kaniyang bayan at nagturo sa kanila ng Sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa Kaniya, kaya't kanilang itinanong: "Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano Siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba Siya ay anak ng isang karpintero? (Mateo 13:54-55)

Dahil dito, mistulang nagtampo sa bigas ang mga taong ito. Dahil sa kanilang pagdududa at hindi nila matanggap si HesuKristo at ang katotohanang dala Niya.

Marahil ay nagtataka tayo kung ano ang kaugnayan ng Pagbasa sa ating kasalukuyang panahon. Marami kasi sa atin ang nagpapapalit-palit ng kanilang relihiyon na gaya lamang ng pagpapalit ng damit sa pag-asang matatagpuan din nila ang katotohanan.

Katulad ng inaasahan ng mga Judio sa Ebanghelyo, alalahanin natin na ayaw nilang tanggapin ang mga turo at aral ni Hesus. Kaya pinaparatangan nila ang Panginoong HesuKristo na nagpapakilalang Anak ng Diyos.

Gaya ng mga Judio sa ating Ebanghelyo, naghahanap ang ilan sa atin ng katotohanan. Subalit ano pa bang katotohanan ang kailangan nating hanapin? Hindi ba't isa nang katotohanan na mababasa natin sa Biblia; na ang sinomang sumasampalataya at sumusunod sa kalooban ng Anak ng Diyos na walang iba kundi si Hesus ay magtatamo ng buhay na walang hanggan?

"Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan". (Juan 3:36)

Hindi rin ba isang katotohanan na ang pagmamahal sa ating kapuwa ay katulad na rin ng ating pagmamahal sa Panginoong Diyos?

"Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo ngayon; mag-ibigan kayo, kung paano Ko kayong iniibig. Gayudin naman, mag-ibigan kayo". (Juan 13:34)

Ang katotohanan ay hindi naman talaga natin matatagpuan sa palipat-lipat ng relihiyon. Kundi ang direktang pananampalataya natin sa ating tagapagligtas na si HesuKristo-- ang isinugong Mesiyas ng ating Panginoong Diyos.

Sapagkat hindi ang relihiyon ang totoong magliligtas sa atin, kundi ang ating matibay at seryosong pananamplataya kay HesuKristo. At higit sa lahat ay ang pagsunod natin sa Kaniyang kalooban.

Ang relihiyon ay katulad lamang ng isang paso na pinagtitirikan ng halaman, tayo ang halaman na nakatirik sa ating mga relihiyon o paso.

Ang pinaka-mahalaga sa lahat ay ang nag-aalaga sa mga halaman na nasa paso--ang Panginoong Diyos. Tulad ng isang hardinero na nagnanais na yumabong ang halaman. AMEN


--FRJ,  GMA News