Sa pagpasok ng Amihan season, marami ang tila tinatamad maligo dahil malamig ang panahon. Ngunit totoo bang hindi naman kinakailangang maligo araw-araw dahil may masama rin itong epekto sa katawan?
"Actually fact 'yan. Hindi naman necessarily na kailangang malamig ang panahon. Kahit na hindi malamig 'yung panahon, puwedeng hindi ka naman talaga maligo," paliwanag ng internist at content creator na si Dr. Francis Carlos sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles.
"Nakagugulat 'yon 'di ba kung tutuusin. Our bodies have essential oils sa skin natin na naturally kini-cleanse 'yung katawan natin," dagdag pa ng doktor.
Ayon kay Dr. Carlos, naaalis ang essential oils na kailangan ng katawan kapag dalawang beses kada araw naliligo ang isang tao, at iba-iba pa ang ginagamit niyang temperatura.
"Dahil doon mas nagiging problematic," anang doktor.
Katunayan, pangkaraniwan umano sa ibang bansa na hindi araw-araw naliligo ang mga tao. Hindi nga lamang ito uubra sa Pilipinas dahil mainit ang panahon sa bansa.
"Kasi nga may certain na tinatawag tayong flora. Kumbaga may bacterial flora or normal na flora 'yung skin natin na mine-maintain niya na healthy 'yung skin natin, kinakalaban niya 'yung harmful na bacteria. So kung everyday ka na naliligo, especially kung malamig 'yung panahon, puwedeng mag-dry out 'yung skin tapos mawala 'yung essential oils na kailangan and 'yung good bacteria na kailangan nu'ng skin natin," paliwanag niya.
Payo ni Dr. Carlos, gumamit ng moisturizer matapos maligo para panatilihin ang bacterial flora sa katawan.
"Kapag masyado kang matagal maligo, o sobrang extreme ng temperatura, nawawala siya eh," sabi niya.
Ideyal din umano na gumamit ng "lukewarm" o maligamgam na tubig kapag naliligo.
Hindi rin aniya totoo na mas lalamigin ang isang tao kapag hindi siya naligo dahil sa lamig ng panahon.
"It actually depends naman sa temperature ng gagamiting tubig kung maliligo ka. Kung hindi ka naman maliligo, nag-iiba-iba pa rin naman ang climate at ang mga suot natin. Wala naman talagang porke't hindi ka naligo, giginawin ka na lagi. That's why we have naman 'yung clothes," sabi ni Dr. Carlos.
--FRJ, GMA News