Ano nga ba ang koneksiyon ng mga baboy-damo at "Aborlan" ang naging pangalan ng isang bayan sa Palawan?
Sa programang "Born To Be Wild," sinabi ni Doc. Ferds Recio, sinabing ang Aborlan ay nabagong tawag sa lugar na binansagan noon ng mga Amerikano na "A Boar Land."
Noon, napakarami umanong baboy-damo na nakikita ang mga Amerikano sa lugar. Pero sa paglipas ng panahon, ang "a boar land" ay naging katunog na ng Aborlan, na siyang naging pangalan ng bayan.
Ngayon, sinabi ni Doc. Ferds na tanging sa mga gubat na lang makikita ang mga baboy-damo. Gayunman, may ilang residente na sa halip na katayin ay inaalagaan na lang ang baboy-damo na kanilang nakabibili nang buhay.
Tulad ni Mang Clemente na halos 10 taon na ang alagang baboy-damo na nasa kulungan.
Dito nakita ni Doc. Ferds ang hitsura ng isang buhay na baboy-damo na mabalahibo ang mukha, bilugan ang mata, at may mahabang pangil sa nguso.
Ang naturang uri ng baboy-damo ay sa Palawan lang makikita at itinuturing nanganganib nang maubos sa wild.
Ayon kay Mang Clemente, nais niyang pagawan ng kulungan ang kaniyang baboy-damo na puwedeng makita ng mga tao. Madalas umano ay karne na lang ng naturang hayop ang nakikita sa kanilang lugar.
Mayroon ding alagang baboy-damo si Argie na binili umano nang masilo ng mga hunter ang hayop at naputol ang isang paa.
Bahagya na umanong nabawasan ang pagiging wild ng batang baboy-damo dahil isinama niya ito sa kulungan ng mga karaniwang baboy.
Kakaiba naman ang baboy-damo na alaga ng isang pastor dahil nagsilbi na itong pet ng pamilya at natuto na rin ng ilang tricks.
Pero nang subukan ni Doc Ferds na turukan ng bitamina ang baboy-damo, nakita niya ang kakaibang katangian ng balat nito. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News