Kabilang sa tradisyon ng mga Filipino ang pangangaroling at pagbibigay ng aginaldo tuwing Pasko. Papaano nga ba ito nagsimula sa kulturang Pinoy?
Ngayong nasa mas maluwag na ang quarantine restriction sa Pilipinas na Alert Level 2, pinapayagan na ng pamahalaan ang pangangaroling.
Sa segment na #KuyaKimAnoNa ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni Kim Atienza na nagsimula ang karoling sa Pilipinas noong panahon pa ng pananakop ng mga Kastila.
Ayon pa kay Kuya Kim, maging ang pamimigay ng regalo o “aginaldo” ay namana rin ng mga Pinoy sa mga Kastila.
Ang kahulugan sa Filipino ng salitang Kastila na “aguinaldo” ay "bonus."
Samantala, ang kanta na “Ang Pasko ay Sumapit,” na madalas kantahin ng mga nangangaroling ay mula sa komposisyon ng musical director na si Josefino Cenizal, at ang liriko naman ay mula sa National Artist na si Levi Celerio.
Gayunman, may mga nagsasabi na ang orihinal na titulo ng nasabing awitin ay “Kasadya Ning Taknaa,” na gawa ng mga Cebuano na sina Vicente Daclan Rubi at Mariano Vestil. – FRJ, GMA News