Hindi lang daw sa pisikal na anyo nakatutulong ang pagtawa kung hindi maging sa emosyon ng tao upang malabanan ang matinding kalungkutan.
Sa segment na "Hirit Pa More ni Mareng Winnie" sa GMA show na "Unang Hirit," sinabi ni Pinoy Laughter Yoga president Paolo Trinidad, na nagpapakawala ang pagtawa ng tinatawag na "endorphins" na lumalaban sa depresyon.
"'Yun pa lang napaka-simpleng pagngiti pa lang nila, hindi pa tumatawa, nakakapag-produce na po silang panlaban sa clinical depression na tinatawag 'di ba ho na endorphin, at higit sa lahat, serotonin," paliwanag niya.
Ang endorphin ay tinatawag ding happy hormone habang ang serotonin ay nakakakontrol sa mood, kasiyahan at well-being ng tao.
Ipinakita ni Trinidad ang ilang laughing exercises na maaaring gawin ng mga nakatatanda sa kanilang mga bahay.
Kasama rito ang ilang ehersisyo katulad ng pagmasahe sa panga, pagtataas ng kamay at ang paulit-ulit na pagtawa.
Kahit pekeng pagtawa, makatutulong umano.
"Kahit 20 seconds pa lang po ng fake laughter — hindi pa ho totoong pagtawa — katumbas na po yun ng three to five minutes na heavy workout," ayon kay Trinidad, batay sa pahayag umano ni Dr. William Fry, kilalang father of 'gelotology' (ang science of laughter).
Mensahe naman ni Mareng Winnie sa mga katulad niyang senior citizen na o sa mga lolo at lola; "Life is better when you’re laughing, so laugh as much as you can.” — FRJ, GMA News