Unti-unti nang niluluwagan ang quarantine restrictions sa ilang bahagi ng bansa tulad sa Metro Manila dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19. Kaya may mga nagtatanong kung papayagan na kaya ang pagdaraos ng Christmas party ngayong taon?
Simula ngayong Biyernes, inilagay sa mas maluwag na Alert Level 2 ang restriction sa Metro Manila na tatagal hanggang sa Nobyembre 21.
Dahil dito, mas maraming tao na ang lumalabas ng bahay para magbalik sa trabaho, mamili at mamasyal.
Ang ilang netizens, tila hati ang pananaw kung dapat nang payagan ang pagtitipon-tipon at kasiyahan sa darating na Pasko, ayon sa Boses ng Masa ng GMA News Unang Balita.
Sina Jhen Santos Mejulio at Shirly Yanamug, naniniwala na maaari lang sigurong payagan ang Christmas party sa mga magpapamilya.
Sinabi naman ni Jollie Silaran na baka hindi na mapigilan ang mga party ngayon Pasko dahil pampaalis ito ng stress sa mga empleyado sa opisina.
Pero dapat daw maging maingat para iwas hawahan at huwag sumali ang mga hindi mabuti ang pakiramdam.
Naniniwala naman si Flor Lobrigas, na dapat maghinay-hinay pa rin at tiyakin na masusunod ang health protocols. May pagkakataon daw kasing nakakalimutan na ang social distancing kapag nagkakasiyahan na.
Baka daw masayang ang dalawang taon na pagtitiis kapag dumami naman ang kaso ng COVID-19.
Hindi naman pabor si Divine Flores na payagan na ang Christmas party dahil mayroon pa ring virus kahit pa bumaba na ang mga kaso nito.
--FRJ, GMA News