Hindi lang isang bata, kung hindi may iba pa umanong multo ang bumulabog sa ilang call center workers na naka-staycation sa isang hotel sa Cebu City.
Kuwento ng mga call center worker sa "Kapuso Mo, Jessica Soho", kinailangan silang manatili sa hotel upang doon magtrabaho dahil na rin sa umiiral na COVID-19 pandamic.
Noong una, excited daw silang manatili sa hotel dahil parang nagbabakasyon na rin ang kanilang pakiramdam habang nagtatrabaho.
Gayunman, napag-uusapan na raw sa group chat, ang mga kababalaghan na nangyayari sa naturang hotel.
Hanggang sa sila na mismo ang makaranas ng mga hindi maipaliwanag na mga pangyayari.
Kabilang na ang nadidinig nilang iyak ng batang babae, may naglalakad sa hallway na wala naman silang nakikita, bumubukas na tubig sa lababo, tila batang naglalaro sa kama, bakas ng paa sa salamin at iba pa.
Kayanin kaya nila ang takot na lalo umanong tumitindi habang tumatagal sila sa hotel? Panoorin ang buong kuwento sa video ng ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News