Pinandidirihan at kinatatakutan ng iba ang mga linta. Pero ang mga linta na ito na lintik sumisipsip ng dugo, nakatutulong daw sa ibang maysakit. Gaano nga ba kaligtas ang leech therapy at inirerekomenda ba ito ng mga eksperto?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing si Dr. Gibsy Sanjeevi George, doktor sa Ayurvedic medical science, ang kaisa-isang doktor sa Pilipinas na nag-aalok ng leech therapy.
Isa sa kaniyang mga pasyente si Martha, na halos apat na dekada nang iniida ang eczema sa kaniyang mga binti, na sumailalim sa leech therapy.
Gumagamit si Dr. Gibsy ng mga linta na walang lason at nilinis sa purified water na may halong turmeric powder.
Matapos ang apat na sesyon ng pagsipsip ng mga linta sa kontaminadong dugo ng pasyente sa loob ng dalawang buwan, unti-unti na raw naghilom ang mga sugat sa paa ni Martha.
Tulad ni Dr. Gibsy, nag-aalok din ng linta therapy ang masahistang si Mary Jane Rubino sa Cagayan.
Ayon kay Mary Jane, gumaling ang kaniyang tatay mula sa rayuma sa pamamagitan ng linta therapy.
Si Jobby Curib naman, ipinanggagamot ang mga linta sa kaniyang mga taghiyawat. Isang araw nang ipasipsip sa linta ang kaniyang pimple, tuluyan na raw itong natuyo.
Tunghayan sa video ng "KMJS" kung ano ang masasabi ng isang general physician at isang dermatologist tungkol sa linta therapy. Panoorin.
--FRJ, GMA News