Tinaguriang 'Gateway to the North' ang Valenzuela City dahil ito ang hangganan ng Metro Manila at Bulacan. Pero sino nga ba si Pio Valenzuela na isang duktor para ipangalan sa kaniya ang lugar?

Sa ulat ni Mav Gonzales sa programang "Brigada," sinabi ni Jonathan Balsamo, head ng Cultural and Tourism Development Office ng Valenzuela City, na "Polo" ang dating pangalan ng lungsod.

Kuwento ni Balsamo, dati raw na sanga-sanga ang mga ilog sa lugar na mistulang isang isla kaya tinawag ito na Polo [Pulo].

Kinalaunan, pinalitan ang Polo bilang Valenzuela, bilang pagkilala kay Dr. Pio Valenzuela, na isa sa mga unang miyembro ng Katipunan, o grupo ng mga rebolusyonaryong nakipaglaban sa mga Kastila.

Residente sa Polo si Valenzuela, na nagsilbing manggagamot ng mga sugatang katipunero at mga lider ng rebolusyon.

Kinikilala si Valenzuela na isa sa pinaka-dakilang anak ng bayan ng Polo.

Bagaman isa na ngayong highly urbanized city ang Valenzuela, mababakas pa rin naman sa lungsod na dati itong isang agrikultural na lugar.

Tunghayan sa video ang mga pasyalan sa Valenzuela at ang mga dinadayong kainan tulad ng Kamayan sa Palapat at Kainan sa Palaisdaan, pati na ang Tagalag Fishing Village na magandang bonding ng pamilya. Panoorin.

--FRJ, GMA News