Kung nais natin maglingkod, kailangan natin ipakita na karapat-dapat tayo (Marcos: 10:35-45).
MINSAN, sa hangarin ng isang tao na umasenso kaagad, kinakaibigan niya at "sumisipsip" ika nga sa kaniyang boss para makakuha agad ng promotion sa trabaho. Ibig sabihin, nais niyang gamitin ang "palakasan" na sistema para umasenso.
Ang nangyayari, naabrabyado ang mga tunay na manggagawa na nagsisikap upang makakuha ng promotion kung kakagat ang kanilang amo sa "palakasan."
Kaya may mga tao na nasa kanilang mga posisyon na hindi naman sila karapat-dapat. Iyan ay maging sa tanggapan sa pribado o gobyerno.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 10:35-45) tungkol sa mga taong naghahangad na umangat, umasenso at magkaroon ng katungkulan sa anomang larangan kahit hindi naman sila karapat-dapat.
Nagsimula ang kuwento ng Pagbasa nang lumapit kay Hesus ang dalawa Niyang Alagad: ang magkapatid na sina Santiago at Juan. Nais ng magkapatid na hingin kay Hesus na iupo sila sa tabi Niya--isa sa kaliwa, at isa sa kanan. (Mk. 10:37)
Sa pagkakataong ito, para bang napakadali para sa magkapatid na sina Santiago at Juan ang kanilang hinihingi. Tila nais nilang ma-"promote" agad at unahan ang iba pa nilang kasamang Alagad.
Pero sinabi ni Hesus sa kanila na hindi Siya ang magpapasya kung sino ang mauupo sa Kaniyang kanan at sa Kaniyang kaliwa.
Ipinaliwanag ni Hesus sa magkapatid na ang mga karangalang ito ay para sa mga "pinaglalaanan." Ang ibig sabihin ni Hesus ay nakalaan sa "karapat-dapat" ang mga puwestong inaasam ng magkapatid. (Mk. 10:40)
Katulad ng magkapatid na Santiago at Juan, may ilan sa atin na may mga hinahangad at kahilingan sa buhay. Subalit sa kasamaang-palad ay ayaw naman natin itong paghirapan at pagsumikapan.
Sapagkat ang nais natin ay makuha natin ito sa madaliang paraan. Lalo na kung mayroon ka naman kakilala o kinakapitan na puwede mong mahingan ng tulong.
Subalit huwag natin kaliligtaan na mas mainam ang nagtitiyaga dahil ang ating pagsisikap ay tiyak na magbubunga. Tandaan natin na ginagantimpalaan ng Panginoong Diyos ang mga taong nagsisikap at nagpupurisige sa buhay para sila umunlad at umasenso.
Mas masarap na damhin ang tagumpay kung napagdaanan ang hirap. Mas lalo nating mapag-iingatan ang nakamit na tagumpay at magkakaroon ng kaisipan na matutong maging kontento sa buhay.
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na akala ng magkapatid na Santiago at Juan, na madali nilang makakamit ang kanilang nais dahil Alagad sila ng ating Panginoong Hesus.
Hindi lamang nila ipinakita ang kanilang pagiging ambisyoso, nais din nilang lamangan ang kanilang mga kasamahan.
Ngunit nakalimutan nila na patas sa lahat si HesuKristo. Ang wika nga Niya, kailangan natin matutunan ang maglingkod at maging alipin ng lahat. (Mk. 10:44).
Pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa na hindi lamang tayo dapat magtiyaga at magsikap, kailangan din natin ipakita na tayo ay karapat-dapat.
Dapat tularan din ng mga amo si Hesus na maging patas sa lahat ng kanilang tauhan at huwag tingnan ang pagbibigay ng pabuya at pagkilala sa kaniyang tauhan dahil lamang sa palakasan.
Manalangin Tayo: Panginoon, ipinapanalangin po namin ang mga pinuno sa lahat ng tanggapan, sa pribado man o gobyerno na maging patas sa lahat ng kanilang kawani. Idinadalangin din naman ang kanilang mga tauhan na patuloy na magsikap sa kanilang trabaho, lalo na sa paglilingkod sa mga tao ngayong panahon ng pandemya. AMEN
--FRJ, GMA News