Itinuturo sa atin ni Hesus ang tunay na kahulugan ng pagiging dakila (Marcos 9:33-35).
MAY mga tao na masyadong hinahangad na maging isang "dakila." Sapagkat para sa kanila, ang pagiging dakila ay hinahangaan, iniidolo, tinitilian, pinapalakpakan, at ang iba pa nga ay mistulang diyos na sinasamba ng mga tao dahil sa sobrang paghanga.
Kaya naman sa hangarin nilang maging dakila o "great" sa paningin ng mga tao, gagawin nila ang lahat. Kahit pa mang-apak sila ng kanilang kapuwa, manghatak sila ng kapuwa para maibaba at iangat naman ang sarili, naninira ng pagkatao ng iba para palabasing maganda ang kanilang reputasyon.
Ngunit pinapaalalahanan tayo ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Marcos 9:33-35), na ang tunay na pagiging dakila ay iyong taong marunong magparaya at inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili.
Mababasa natin sa Ebanghelyo na tinanong ni Hesus ang Kaniyang mga Alagad kung ano ang kanilang pinagtatalunan sa daan. (Mk. 9:33)
Hindi makasagot ang mga Alagad dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Mk. 9:34)
Sa madaling salita, ang mga Alagad ay nagyayabangan, nagpapataasan, at nagtatalo-talo kung sino sa kanila ang mas magaling.
Dahil dito, tinawag ni Hesus ang Kaniyang labindalawang Alagad at winika Niya sa mga ito na ang sinomang nagnanais na maging una (dakila) ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat. (Mk. 9:35)
Nais ituro ng Panginoong Hesus sa atin na ang pagiging dakila ay hindi sa pamamagitan ng pagbibida sa kaniyang sarili o pag-aangat ng kaniyang sariling upuan.
Sa halip, ang pagiging isang dakila ay ang taong naglilingkod sa kaniyang kapuwa nang hindi naghihintay ng kapalit o pagkilala sa kaniyang ginawa; isang tao na inuuna ang kapakanan ng kaniyang kapuwa at hindi ang sarili.
May mga tao na tumutulong kunwari sa iba pero nais lang palang magkaroon ng "content" sa kanilang vlog at magmukhang mabait. May mga kunwaring nagsisilbi sa mga tao pero naghihintay ng kapalit na suporta sa halalan.
Maaaring malinlang nila ang mga tao na sila ay magmukhang dakila, subalit hindi sila kailanman makaliligtas sa mga mata ng Panginoong Diyos, na nakaaalam ng lahat.
Ipinapaalaala lagi sa atin ng Panginoon na anuman ang ating gagawin sa ating kapuwa ay parang sa Diyos na rin natin ginagawa. Kaya kung niloloko natin ang ating kapuwa, niloloko na rin natin ang Panginoon.
Itinuturo ng Pagbasa na ang paglilingkod o ang pagtulong sa kapuwa ay kailangang maging sinsero o tapat. Ang totoong dakila para kay Hesus ay hindi kailangang nakabalandra ang pangalan ng taong nagbibigay ng serbisyo o naka-video.
Pakatandaan na sa tuwing nagpapagaling si HesuKristo ng mga taong maysakit, nagpalayas ng masasamang espiritu, mangangaral sa mga tao at bumubuhay ng patay, hindi Niya kailanman pinangalandakan ang Kaniyang pangalan.
Alalahanin palagi na ang nagmamataas ay ibinababa, at ang nagpapakumbaba, ay siyang itinataas ng Panginoon.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, maraming salamat po sa pagtuturo Mo sa amin ng tunay na kahulugan ng pagiging dakila. Nawa'y magawa sana namin na unahin ang kapakanan ng aming kapuwa bago ang aming mga sarili. AMEN
--FRJ, GMA News