Bukod sa namamana, nagkakaroon din ng altapresyon o high blood pressure ang isang tao dahil sa lifestyle tulad ng kawalan ng ehersisyo at pagkain ng mga matatabang pagkain. Pero maaari bang makontrol o mapapababa ang blood pressure nang hindi umiinom ng gamot?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing doble ang trabahong ginagawa ng puso sa pagbomba ng dugo kapag may altapresyon ang isang tao, na maaaring pagmulan ng maraming komplikasyon.
Ayon kay Dr. Ailen Albana-Tamargo, cardiologist sa Manila Doctors Hospital, maaari itong magdulot ng heart disease o heart attack, stroke, at problema sa utak o kidney.
Sa pag-aaral, isa nang hypertensive emergency kapag pumalo ng 180/120 pataas ang blood pressure ng isang tao.
Kaya naman kung nahilo o nawalan na ng malay ang isang tao dahil sa high blood, dapat na siyang dalhin sa ospital.
Sinabi ni Dr. Tamargo na kung bahagyang tumaas ang blood pressure mula 130/80 hanggang 139/89, at nagkataong hindi agad nakainom ng gamot, may mga maaaring subukan para mapababa ang altapresyon.
Una, pakiramdaman ng tao kung siya ay naiihi, dahil maaaring magpataas ng blood pressure ang pantog kapag puno ng ihi.
Pangalawa, pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng 4-7-8 breathing exercise: apat na segundong paghinga, pitong segundong pagpigil, at walong segundong paghinga palabas sa labi.
Kung nakararanas ng altapresyon, pumunta sa isang well-ventilated area, o magpunas ng bimpong binasa ng tubig.
Makatutulong din ang paghiga para ma-relax ang tao.
Maaari ding subukan ng taong may altapresyon ang Dietary Approaches to Stop Hypertension (DASH) diet, o diet na mayaman sa mga prutas, vegetables, low fat at wala masyadong saturated and trans-fat.
Tunghayan ang buong talakayan sa video ng "Pinoy MD."
—FRJ, GMA News