Nakaalsa, namumula at marami - ito ang pantal na nararanasan ng ilang tao na tinatawag na urticaria o tagulabay. Anu-ano nga ba ang sanhi nito at paano ito magagamot?
Sa programang "Pinoy MD", ipinaliwanag ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez na lumalabas ang tagulabay nang biglaan kapag nalantad ang isang tao sa allergen.
Dahil sa allergen, magli-leak ang fluid sa blood vessel papunta sa balat na magdudulot ng pag-alsa at pamumula.
Ilan sa mga maaaring mamaga ang mata, leeg at airways, na posibleng magdulot ng anaphylaxis.
Ayon pa kay Dr. Marquez, mahalagang ipatingin sa espesyalista ang tagulabay dahil maaari itong maging life-threatening kung mayroon itong kasamang hirap sa paghinga.
Isa sa mga maaaring sanhi ng tagulabay ang pag-inom ng antibiotic o pain reliever na non-steroidal anti-inflammatory drugs.
Maaari ding naimpeksiyon ang isang tao, o nagkaroon ng parasite ang isang bata.
Ilan pang sanhi ng tagulabay ang pollens, o pagkaing nakain na nagdulot nito tulad ng soya, itlog, mga mani, at shellfish.
Panoorin sa video ang buong talakayan at iba pang katanungang tungkol sa kalusugan tulad ng problema sa "maskne."--FRJ, GMA News