Matamis na tagumpay ang nakamit ng isang negosyante sa Ilocos Norte na yumaman sa kaniyang negosyong palaman na P5,000 lang ang ginamit na puhunan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, ipinakilala si Tom Daquioag, na may-ari ng Don Isabelo Creamy Spread.

Taong 2016 nang bunutin ni Tom ang P5,000 na pera sa kaniyang wallet para gamiting puhunan sa pagsisimula ng kaniyang negosyong palaman na yema.

Nauuso raw noon ang yema cake kaya naisipan niyang gumawa ng sariling bersiyon ng yema spread.

Hindi man naging madali, pinag-aralan niya ang tamang timpla.

At dahil nagsisimula pa lang, sinabi ni Tom na siya ang gumagawa ng lahat mula sa pagbili ng mga sangkap, paggawa, pagbebenta, at maging sa pagdeliber ng mga produkto.

Ngayon, bukod sa yema ay may iba pa siyang flavor ng mga palaman katulad ng ube halaya, mango caramel at matcha.

Naranasan din daw niyang malugi noon nang mapanisan siya ng mga produkto. Pero sa halip na panghinaan ng loob, pinag- aralan niya kung papaano mapapatagal ang produkto para hindi kaagad mapanis.

Ngayon, mayroon na siyang mga tauhan sa kaniyang negosyo at nakabili na siya ng mga ari-arian tulad ng bahay at lupa at mga sasakyan.--FRJ, GMA News