Kahit gaano kabigat ang mga problema natin, huwag natin tatalikuran si Hesus (Jn. 6:60-69).
Mahalaga sa isang samahan o pagkakaibigan ang kasabihan na walang iwanan. Ang ibig sabihin, kahit ano pang mangyari ay walang tatalikod at sama-sama nilang haharapin ang pagsubok.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Juan 6:60-69) ang patungkol sa mga Alagad ni Hesus na nagsabing mabigat ang mga pananalitang narinig nila mula kay Kristo na tumutukoy sa Kaniyang mga aral. (Jn. 6:60)
Kaya winika sa kanila ni Hesus kung tatalikuran na ba Siya dahil lamang sa nahihirapan silang arukin at maunawaan ang Salita ng Diyos. (Jn. 6:62)
Halos isang taon na rin tayong pinapahirapan ng COVID-19 pandemic. Maraming kababayan natin ang namatay, nawalan ng hanapbuhay at naluging negosyo.
Bumagsak nang husto ang moral ng marami nating kababayan at pinanghinaan ng loob. Marahil ang iba, humina ang pananampalataya sa Diyos dahil iniisip nilang hindi yata nadidinig ng Panginoon ang kanilang hinaing.
Maaaring kagaya sila ng ilang Alagad sa ating Pagbasa na gusto na rin sumuko dahil sa nahihirapan sila sa kanilang pinagdadaanan.
Subalit isipin din naman natin at tanungin ang ating sarili: Kung tatalikuran ba natin ang ating Panginoon at magpapadala tayo sa emosyon, masosolusyunan ba nito ang problemang kinakaharap natin? Mawawala na ba ang ating mga pasanin? O ang mawawala sa atin ay ang ating Panginoon na lagi nating nakakausap at napaglalabasan ng ating saloobin.
Habang tayo'y nabubuhay, magkakaroon pa rin tayo ng mga problema sa ating buhay. Ngunit hindi natin dapat tingnan ang ating mga problema bilang isang problema kundi isang pagsubok ng Diyos.
Dahil habang tayo ay nalalapit sa Panginoon o lumalalim ang ating pananampalataya sa Kaniya, mas lalong susubukin ang katatagan ng ating pananalig sa Diyos.
May ilan na hindi masyadong iniinda ang bigat ng kanilang problema dahil ipinauubaya nila ito sa Panginoong Diyos. Ang Diyos ang tumutulong sa kanila na pasanin ang bigat ng mga suliranin.
Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na bagama't iniwan si Hesus ng ilan sa Kaniyang mga Alagad, nanatili naman ang mga tunay na nananalig sa Kaniya tulad ni Simon Pedro.
At ang sabi ni Simon, saan pa sila pupunta sakaling tatalikod din sila. (Jn. 6:68)
Pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa na tanging ang Panginoong HesuKristo lamang ang solusyon sa anumang problemang pinagdadaanan natin. Kailangan lamang natin manindigan at magpakatatag tulad ng ginawa ni Simon Pedro.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y matutunan din namin ang manindigan sa aming pananampataya Sa'yo. Kahit gaano pa kabigat ang mga pagsubok sa aming buhay, hindi Ka namin tatalikuran. AMEN.
--FRJ, GMA News