Walang last minute para sa Panginoon dahil ang lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataon (Mateo 20:1-16).
Makatarungan talaga ang Panginoong Diyos sapagkat sa pamantayan Niya, pantay-pantay ang lahat at wala sa bokabularyo Niya ang paboritismo.
Samantalang sa panuntunan ng tao, kung sino iyong magaling sumipsip at umepal ay iyon ang nauunang nabigyan ng pabor.
Ito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 20:1-16) kaugnay sa Talinghaga tungkol sa may-ari ng ubasan. Mababasa natin sa kuwento na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao--makasalanan man o mabuti.
Binigyan Niya ng pagkakataon ang mga taong naliligaw ng landas na magbalik-loob sa Kaniya at nagsisi sa kaniyang mga kasalanan.
Inilarawan ito sa kuwento nang lumabas ang isang tao upang humanap ng mga manggagawa na magtatrabaho sa kaniyang ubasan. Isa-isa niyang tinawag ang mga tao hanggang sa abutin na siya ng alas singko ng hapon. (Mt. 20:1-7).
Nagreklamo na ang mga naunang tinawag kung bakit ipinarehas ng may-ari ng ubasan ang isang salaping pilak na napagkasunduan nila sa mga taong nagtrabaho ng alas-singko ng hapon. (Mt. 20:12)
Umangal sila sa may-ari na maghapon silang nagtrabaho sa ubasan at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Habang ang mga huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho at isang salaping pilak din ang tinanggap nila.
Kung sa pamantayan nga naman tao, hindi ito makatarungan. Puwede itong tawagin na "unfair labor practice." Subalit tandaan lamang natin na iba ang panuntunan ng Panginoong Diyos sa panuntunan ng tao.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na binibigyan ng pagkakataon ng Diyos ang mga makasalanan na magbalik-loob sa Kaniya kahit sa huling sandali.
Upang makapag-simula sila ng isang bagong buhay na inilarawan sa Talinghaga patungkol duon sa mga taong tinawag kahit mag-aalas singko na ng hapon.
Ganito rin ang matutunghayan natin sa kuwento ni Dimas, ang magnanakaw na katabi ni HesuKristo habang sila'y nakapako sa Krus.
Sa kahuli-hulihang hininga ni Dimas ay nagawa niyang magsisi sa lahat ng kaniyang mga kasalanan. Nang sabihin niya kay Kristo na alalahanin siya kapag aghahari na si Hesus. (Lucas 23:42-42)
Hindi uso sa Panginoong Diyos ang "last minute" sapagkat binibigyan Niya ng pagkakataon ang lahat ng masasamang tao na magbalik-loob at magbagong buhay.
Maaaring may ilang tao ang nagrereklamo o umaangal din katulad ng mga manggagawa sa kuwento. Bakit pa kailangang bigyan ng pagkakataon ng Diyos na magbagong buhay ang mga taong sagad sa buto ang kasamaan?
Ang ating Panginoon ay isang mapagbigay na Diyos, higit sa lahat Siya'y Diyos na punong-puno ng awa o habag. Ito ang likas na katangian ng ating Panginoon, hindi natin maaaring kuwestiyonin kung bakit ganito ang karakter ng ating Diyos. Maaari ba nating utusan ang Diyos na huwag siyang maawa sa mga masasamang tao?
Katulad ng pagkuwestiyon ng mga manggagawa sa may-ari ng ubasan. Hindi kasi natin mababatid ang karunungan ng Panginoong Diyos.
Ang Panginoon ay kumikilos sa hindi pangkaraniwang paraan. Ang mahalaga ay ipagpatuloy lamang natin ang paggawa ng kabutihan at ipanalangin natin ang mga kapatid natin na namumuhay sa kasalanan upang sila'y magbagong buhay at magbalik loob sa Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon, ipinapanalangin namin ang mga taong gumagawa ng kabuktutan. Nawa'y maliwanagan sana sila upang talikuran na nila ang mga masasamang gawain at magbalik-loob sa Iyo. AMEN.
--FRJ, GMA News