Dahil tag-ulan at itinuturing flu season ngayon, maraming magulang ang todo-ingat sa kalusugan ng kanilang mga anak upang hindi magkasakit at lagnatin. Pero ano nga ba ang mga patandaan kung simpleng lagnat lang o dengue na pala o COVID-19 ang dumapo sa anak? Alamin.
Sa panayam sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinaliwanag ni Dr. Mary Ann Bunyi, Presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, na ang pagkakaroon ng lagnat ay natural na reaksyon ng katawan kapag may foreign substances na nais na pumasok dito tulad ng virus o bacteria.
Sintomas din ng impeksiyon ang pagkakaroon ng lagnat.
Sa panahon ngayon na maulan, flu season at may COVID-19 pandemic, magiging sintomas ang lagnat sa tatlong kondisyon.
Sa dengue fever na nakukuha sa kagat ng lamok, sinabing bukod sa nilalagnat ang pasyente ay magiging matamlay ito.
Sa mga nakaraang abiso ng Department of Health DOH), binanggit na sintomas ng dengue ang matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuhan, pagsusuka, giniginaw at pagkakaroon ng pantal o rashes.
Samanta, sinabi ni Bunyi na sa flu [trangkaso] at COVID-19 na parehong resperatory virus, ang pasyente ay mayroong lagnat, may sipon, may ubo at pangangati ng lalamunan.
Ang naturang mga sintomas ang puwedeng bantayan sa tatlong kondisyon.
Sinabi rin ni Bunyi na ang pagtaas ng mga kabataan na tinatamaan ng COVID-19 ay karaniwan umano kapag dumadami rin ang mga adult na dinadapuan ng virus.
Pero napapanahon na nga ba bakunahan na rin ang mga bata, at ano sinasabing rare complication sa mga batang tinamaan ng COVID-19 MIS-C o Multisystem Inflammatory Syndrome in Children? Panoorin ang buong talakayan sa video. —FRJ, GMA News